Isa si Gloc 9 sa mga dapat abangan bilang Jukeboss ng Sing Galing Kids. Mapapanood na tuwing Sabado sa TV5 simula sa July 16, alas-sais ng gabi ang naturang programa.
Ayon sa sikat na rapper ay talagang dapat masaksihan ng mga manonood ang taglay na galing ng mga nag-audition at napabilang sa Sing Kulits o mga batang contestants. “Very light ang approach natin sa mga contestant natin. I’m very excited. At the back of my mind, iniisip ko, baka may matisod kaming super galing na bata na kapag narinig mo, mahuhulog ka sa silya mo. ‘Yon ang nakakapagpa-excite for me,” bungad ni Gloc 9.
Ang sikat na rapper ang tinaguriang Lodi Kuys sa bagong programa ng Kapatid network. Masarap umano sa pakiramdam ni Gloc 9 maging kuya para sa contestants ng Sing Galing Kids. “Ang gusto kong maging dating ko sa ating mga Singkulits ay maging kanilang Lodi Kuys. Bukod sa i-assess namin ang kanilang mga performances, siyempre gusto namin na mag-enjoy sila. Ang tingin nila sa amin, lalo na sa akin ay maging Lodi Kuys nila. Pwede nila kaming lapitan kung meron silang questions. Paano ba tamang paghawak ng microphone o anong gagawin ko ‘pag natanggal ‘yung wire ng microphone kung naka-wired mic man. Ako ay graduate ng Nursing eh, so may mga oras kami na nag-i-interact sa mga bata. I’m very close pagdating sa mga bata. Handang-handang makipagkulitan,” pagbabahagi niya.
Isang malaking karangalan din para sa sikat sa rapper na makatrabaho ang ilan sa mga pinakasikat at tinitingala sa larangan ng musika. Bilang Jukeboss ng Sing Galing na napapanood naman tuwing Lunes, Martes at Huwebes ay makakasama rin ni Gloc 9 si Rey Valera sa programa. “Si Sir Rey ay taas ang kamay ko diyan. Taas-kamay sa pagsulat ng kanta. Nakakasama namin ‘yan minsan and every time nagsasalita si Sir Rey talagang makinig ka na. Definitely si Sir Rey, pwedeng mag-advise sa aming lahat, senior ‘yan eh. ‘Yung mga dinaanan niyan, hindi pa namin dinadaanan. I’m sure maraming-marami akong matututunan bukod sa ating mga Singkulits, ay lalo na sa aking mga kapwa Jukebosses,” paglalahad ng rapper.
Bata pa lamang daw ay talagang mahilig nang kumanta si Gloc 9. Sumasali pa kahit mag-isa lamang noon ang rapper sa mga singing contest. “‘Di ko sinasabi sa nanay ko, sumasali ako sa amateur singing contest, ako lang mag-isa. Nagugulat na lang ang nanay ko na naliligo, nagbibihis ako ng 7 ng gabi. Nahilig ako sa music dahil ‘yung mga magulang ko mahilig magpatugtog. Karen Carpenters, Abba, Tom Jones, Kenny Rogers, Matt Monroe. Noong ako’y nagsisimula, mahilig na akong nagbabasa ng song hits. Nasa taas ako ng puno ng duhat habang nagme-memorize ako ng mga kanta ni Gary V., Hindi Magbabago ni Sir Randy Santiago, mga kanta ni Ogie Alcasid. First year high school no’ng narinig ko ‘yung Cold Summer Nights ni Francis Magalona, may rap. Then nakinig ako ng albums ni Andrew E. Na-immerse talaga ako, diyan talaga ako nagsimula ma-hook sa rap. Then nag-decide ako na hindi ako magaling na singer pero parang effective ako sa chant ng mga lyrics, sa rap. So do’n ako nag-concentrate,” pagdedetalye ni Gloc 9. (Reports from JCC)