Ate Guy nasa hospital pa rin, inaalagaan ni Lotlot
Kinumpirma ng ilang malalapit kina Nora Aunor at Lotlot de Leon na nagkaayos na ang mag-ina.
Bago pa ang conferment ng National Artist na ginanap sa Malacanang nung Huwebes, June 16, dinalaw na pala ni Lotlot ang Mommy niya sa hospital.
Hindi na lang nag-react si Lotlot sa ilang sumulat na inisnab nito ang pagtanggap ng parangal ng kanyang ina, dahil ang totoo pala, nasa hospital siya nung araw na iyun at siya ang nagbabantay kay Ate Guy.
Ayaw na lang nilang gawing isyu pa. Mas gusto nila ang tahimik na pag-aayos dahil nandiyan naman sa puso nila ang hangad na magkakaayos silang lahat.
Ang iba pa niyang kapatid na sina Ian, Matet, Kenneth at Kiko de Leon ang dumalo sa conferment para tanggapin ang naturang parangal mula sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang unang plano raw ay si Ate Guy ang magbibigay ng mensahe para walong National Artists, pero hindi raw pumayag ang doktor na lumabas siya, kaya si Ricky Lee na ang nagpaunlak.
Sa June 29 ay magkakaroon ng tribute para sa walong National Artists na gaganapin sa Cultural Center of the Philippines.
Iyun ang inaasahan ng lahat na sana ay makadalo na ang original Superstar dahil siya talaga ang hinihintay ng lahat na matanggap ito dahil matagal din itong inaasam-asam para sa kanya.
Sinasabi naman ng ilang taong malapit kay Ate Guy na okay na siya at walang dapat ipag-alala. Pero kapag tinatanong namin ang tungkol sa karamdaman ng aktres, hindi na sila sumasagot. Kaya hindi pa rin maalis ang mangamba dahil wala silang malinaw na sagot kung ano talaga ang sakit ni Ate Guy.
Sana ay okay na talaga siya, para makabalik na siya sa trabaho, at meron pa siyang pelikulang Kontrabida na wala pa tayong balita kung kailan na ito ipalalabas.
Paulo, todo pakiusap sa pelikula nila ni Janine
Successful ang fans day nina Janine Gutierrez at Paulo Avelino na ginanap sa Enchanted Kingdom nung nakaraang Linggo, para sa promo ng pelikula nilang Ngayon Kaya na magsu-showing na bukas, June 22.
Napasaya nila ang mga fans, at sana nga mapasaya rin sila lalo na ang T-Rex Entertainment at WASD Films na unang nangahas na ipalabas ito sa mga sinehan.
Lately ay nakakasanayan na ng karamihan ang manood sa mga sinehan dahil sa magkakasunod na box-office hit na Hollywood films.
Kaya inaasahang ganun din ang pagtanggap sa local film na Ngayon Kaya. Pakiusap ni Paulo; “Sana bigyan nyo ng pagkakataon ang mga local film dahil mahirap gumawa ng pelikula lalo locally and with all these foreign blockbusters coming in. Pero kung mapagbibigyan po ito na maging simula at maging okay ang pagpapalabas nitong Ngayon Kaya sa Pilipinas, maeenganyo po nito ang iba’t ibang filmmakers and producers na gumawa muli ng pelikula at ipalabas muli sa mga sinehan.”
Kasabay ng showing ng Ngayon Kaya ay ang isang boxoffice hit Korean film na The Roundup na pinagbidahan nina Suk Ku at Don Lee na lalong pinasikat ng pelikulang Train to Busan at sa Disney Marvel Eternals.
Beaver, maraming tinalo sa audition ng genius teens
Nasilip namin ang teaser ng pelikulang Genius Teens, at mukhang ang pulido nang pagkagawa at maganda ang special effects, bilang isang sci-fi, action-fantasy movie ito.
Mapapanood na ito sa KTX.Ph simula July 15, pero magkakaroon ito ng special screening sa June 25, sa SM Megamall.
Isa sa mga batang bida rito ay ang 16-year old Star Hunt artist na si Beaver Magtalas.
Naikuwento sa amin ni Beaver na sobrang bagets pa siya nung ginawa niya ang pelikulang ito.
Sinimulan daw nila ang shooting nito nung bago pa mag-pandemic. Hindi nila natapos dahil nagkapandemya na at natigil silang lahat.
Kaya nung bumalik na sila ng shooting ngayong taon, malaki na siya at parang magkaiba na raw ang itsura. “Yung itsura ko nga po is medyo malayo na po sa film. Sabi ko nga po, baka sa premiere night hindi na nila ako makilala,” napapangiting pahayag ni Beaver.
Proud ang batang taga-Nueva Ecija dahil talagang pinaghirapan daw niya ito bago siya napiling isa sa mga bida sa Genius Teens.
Mahigit 500 na bata raw silang nag-audition at napasama siya sa short list. “Nung third day po nag-short list…dun po ako sa 3rd day nakuha, mga 100 kami dun,” dagdag na kuwento ni Beaver.
Nagustuhan niya ang role rito, ang batang may power sa teleporting.
Ibang experience raw talaga sa kanya dahil iba ang professionalism na ipinakita ng mga nakatrabaho niya lalo na’t kilalang Italian director na si Paolo Bertola ang director nito. “Nakita ko po kung gaano sila ka-professional and kabait.
“The effort po that they put into the art, parang super fan po siya para sa akin. Kaya lalo po akong nagkagusto sa art na ‘to,” saad ni Beaver.
Magaling magsalita si Beaver, kaya nag-suggest kaming i-push din niya ang hosting.
Okay naman daw sa kanya ang hosting, dahil na-train daw siya sa ginagawa nilang hosting sa KUMU. “Nagku-KUMU po kasi ako. Isa po ako sa mga KUMU shimmers ng Star Hunt. Dun po napa-practice yung hosting skills ko. I’m willing to take naman po,” sabi pa ni Beaver.
- Latest