Kahit walang karelasyon ay masaya umano ang lagay ng puso ngayon ni Anji Salvacion.
Matatandaang ang dalaga ang itinanghal na Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 Big Winner kamakailan. “Hindi pa rin ako makapaniwala na I’m in this place right now. Sobrang happy po, kasi I’m on this stage where I am so scared because I experienced na bigla na lang ‘yung mahal ko sa buhay is mawala na lang bigla ng hindi ko alam. Nawala na lang na parang bula. And it happened to my dad. But right now, slowly masasabi ko na I’m happy with myself. Sobrang happy ako na I’m exploring din. I’m exploring life alone pa,” makahulugang pahayag ni Anji.
Naniniwala ang singer na darating din ang tamang panahon para sa pag-ibig. “Darating at darating din ako diyan. But right now, my focus is on my career and my family. Pero there are some people who inspire me and who make me happy,” giit niya.
Wala mang kasintahan ay mayroon namang maibibigay na payo si Anji para sa mga kababaihan tungkol sa pakikipagrelasyon. “If somebody asked you kung ano ang tipo mo sa isang lalaki, ‘wag mong sasabihin. Kasi any guy can pretend to be that guy. Keep it a mystery and when that guy is really genuine, you will see. You’ll see. So never tell talaga what is your type of guy,” pagbabahagi ng dalaga.
Enrique, maagang magreretiro sa showbiz
Nagbigay ng reaksyon si Ogie Diaz tungkol sa diumano’y planong pagpapakasal na nina Liza Soberano at Enrique Gil. Si Ogie ang tumayong talent manager ng aktres sa loob ng labing-isang taon at ngayon ay nasa pangangalaga na ni James Reid ang aktres. “’Yung kasal, actually noon pa nila napag-uusapan ‘yan na darating din ang time na sila ay magse-settle down. Pero hindi pa ngayon,” bungad ni Ogie.
Ayon sa talent manager, manunulat at video blogger ay marami pang pangarap ang gustong makamit ng magkasintahan kaya talagang hindi pa maaaring lumagay sa tahimik ang dalawa. “Although si Quen (Enrique) baka maagang mag-retire sa showbiz. Hindi natin alam kung ilang taon na lamang. Kasi mas gusto ni Quen na mag-concentrate sa negosyo. Pero hindi rin natin alam, baka magbago ang isip kasi sayang din naman ang opportunities na dumarating sa kanila at ang daming offers sa LizQuen. Si Liza naman ay alam ko na talagang gusto niyang ma-fulfill ang kanyang Hollywood dream at ma-achieve ito. Although hindi gano’n kadali ang pagpasok sa Hollywood pero ita-try pa rin ni Liza kaya nga she keeps on sending mga auditions VTR sa mga agency (sa Los Angeles, California),” pagbabahagi ni Ogie. (Reports from JCC)