Sharlene, muntik nang mag-breakdown dahil sa pag-aaral

Sharlene San Pedro.

Natupad na ang pinapa­ngarap lamang noon ni Sharlene San Pedro na makapagtapos ng kolehiyo.

Kamakailan ay ginanap ang online graduation ng aktres na kumuha ng kursong Bachelor of Science in Psychology. “Very happy, hindi pa rin gaanong nagsi-sink in sa akin na naka-graduate na ako. Kasi wala po kaming proper na face-to-face graduation, naka-online lang. Hinihiling ko rin talaga noon na makaakyat ng stage. Saka ‘yung parents ko siyempre, ‘yon ang hinihintay. Ang tagal kong hinintay ‘to. No’ng nakita ko ‘yung grad pic ko, doon ko lang na-realize na naka-graduate na ako,” naka­ngiting pahayag ni Sharlene.

Hindi naging madali para sa dating Goin’ Bulilit star ang makatapos ng pag-aaral dahil online system ang kanyang ginawa.

Ayon kay Sharlene ay talagang sariling pagsisikap ang kanyang ginawa upang makamit ang pangarap. “Challenging siya kasi online eh. Hindi pa nag-o-online ang lahat, wala pang pandemic ako online na. Walang prof, walang teacher, nagka-prof lang ako no’ng nag-thesis ako. Pero ‘yung pag-aaral, kailangan talaga ‘yung comprehension mo ay nag-uumapaw para ikaw ay makapasa. Kasi napakara­ming readings, tapos after ng babasahin mo, may quiz agad. So doon magkakaalaman. Med­yo hirap pero sobrang pasasalamat ko dahil nairaos ko,” kwento ng dalaga.

Mahirap din para kay Sharlene na pagsabayin ang pag-aaral at ang kanyang trabaho bilang isang artista. “Mahirap sa time, pero nasa sa ‘yo rin ‘yan kung paano. Dapat may time management ka kung kailan mo isisingit ‘yung mga modules mo. Minsan papunta na sa work nagbabasa pa ako, nagku-quiz pa ako. Kumbaga ‘pag nasa biyahe gano’n ang pagkakaabalahan ko kapag alam kong may free time. Ayaw ko kasi nang natatambakan. May mga days talaga na kaunti na lang magbe-breakdown ka na sa hirap. Tapos hindi mo alam kung paano mo matatapos. Tapos kada araw nagse-set ako ng goal na dapat ganito karami ‘yung mabasa ko para matapos ko in 3 months itong 24 units, gano’n,” pagtatapos ng aktres.

Ketchup, natutong huwag mangaliwa

Malaki ang pasasalamat ni Ketchup Eusebio sa pamunuan ng ABS-CBN dahil sa loob ng dalawang dekada ay aktibo pa rin sa show business. Kabilang ang aktor sa The Broken Marriage Vow na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Sue Ramirez at Zanjoe Marudo. Ayon kay Ketchup ay ngayon lamang niya naranasan na makagawa ng intimate scenes sa isang proyekto. Nakaeksena pa ni Ketchup ang kanyang kumare dahil ninang ng kanyang anak sa tunay na buhay. “Natatawa kami actually habang ginagawa, talagang sineryoso ko ‘yun. Nagso-solo kami ng room, pagkatapos ng eksena nagkakatinginan kami. Very thankful ako kasi first time ko ‘yung gano’ng eksena at maraming salamat na si Jodi ‘yung kasama ko. Kasi alam kong hindi kami mag-iinarte habang ginagawa namin. Ang pro ng atake at ng pagkaka-execute ni direk Connie (Macatuno) at direk Andoy (Ranay),” pagbabahagi ni Ketchup.

Magtatapos na sa June 24 ang naturang serye. Maraming mga bagay umano ang natutunan ni Ketchup mula sa kanilang proyekto. “Ang dami kong natutunan no’ng ginagawa namin itong show. Hindi talaga nagtatagumpay ‘yung gano’ng klaseng mga relasyon. Hindi mo talaga mabibigyan ng justice ‘yung infidelity pagdating sa pamilya. So magiging baon ko ‘yon lalo na’t bumubuo ako ng sarili kong pamilya,” makahulugang pahayag ng aktor. (Reports from JCC)

Show comments