Matapos na i-reject ng dalawang magkasunod na presidente ng Pilipinas, finally naideklara na ring National Artist si Nora Aunor.
Maaalalang ang nominasyon ni Nora Aunor ay ibinasura ni Presidente Noynoy dahil sa naging kaso ni Nora sa droga sa US, na sinabi ng presidente na “hindi maganda para sa atin dahil baka sabihing maluwag tayo sa mga kaso ng droga.”
Ganyan din ang sinasabi nilang dahilan ni Presidente Digong nang una niyang ibasura ang nominasyon ni Nora, dahil kainitan din noon ng kanyang giyera laban sa droga.
Pero 20 days bago matapos ang kanyang termino, pinalabas niya ang matagal nang nakabimbing executive order number 1390 na nagdedeklara kay Nora at iba pa bilang national artist.
Wise move para kay Presidente Digong. Medyo mapait ang kanyang pag-alis sa Malacañang dahil ang iiwan niya ay mataas na presyo ng gasolina, kamatis at saging na bente singko pesos na ang isa, instant noodles na mahigit trenta pesos na rin, taas ng pamasahe, taas ng presyo at kakulangan pa ng bigas at kung anu-ano pang problema. Ngayon medyo gagaan nga iyan dahil nagdeklara siya ng popular na mga national artist.
Pero dahil sa dalawampung araw na natitira sa panahon niya sa Malacañang, kailangan ang mabilisang paghahanda sa seremonya ng paggagawad ng karangalang iyan.
Talaga namang basta may umiiral na krisis, ang sagot ay show business para aliwin ang mga tao. Kung natatandaan pa ng ilan, sa US ay sumikat ang Hollywood noong panahon ng economic depression. Dito sa Pilipinas, noong matindi na ang mga kaguluhan noong early seventies, nagluwag maging ang sensura at nakalabas ang mga pelikulang “bomba” na ang ipinapakita ay tinatawag pa noong ‘fighting fish.’ Basta may magaganap na malaking kilos protesta, asahan na ninyo ang mga barker sa harap ng mga sinehan noon na nagtatawag ng tao at sinasabi pa kung ‘ilang pares’ ang mapapanood sa pelikula.
Ganoon din naman pagkatapos ng EDSA Revolution, nang medyo magulo dahil sa sunud-sunod na coup d’etat, nakalusot ang mga pelikulang ‘pene’ para maibaling doon ang atensiyon ng tao.
Kaya nga ngayon sa hindi maikakailang umiiral na economic problem na iiwanan ng kasalukuyang administrasyon, inihabol naman nila ang national artist na iyan, bilang pambawas ng pait na nasa loob ng tao.
Papaano nga naman kung hindi pa nila gagawin, at tapos ay gawin din ng kasunod na administrasyon, dahil inendorso naman ni Nora si Presidente BBM (Bongbong Marcos), eh di ganun din. Hindi pa sila ang nakinabang.
At least ngayon napakinabangan nila, lalo na’t kahit na tapos na ay pilit pa ring inuungkat ang kaso ng Pharmally.
Ang show business, kagaya rin ng sinasabi ng guru ng mga kumunista na si Karl Marx tungkol sa relihiyon, iyan ang “opium of the people.” Basta may problema at wala ka nang magagawa, aliwin mo na lang ang mga tao. Walang dudang kahit na ilang araw lang, naaliw ang mga tao at tila nakalimutan pati ang bantang pagtataas ng singil ng Meralco.
Hindi rin kasi naging epektibo ang mga mahahalay na pelikula sa internet. Hindi rin nakatawag ng pansin ang gay movies na ginagawa para maibaling ang isipan ng mga tao. Pero ang hindi nagawa ng mga iyon, umepekto nang ideklarang national artist si Nora Aunor.
Medyo matatawa ka pa ha, kasi ang unang naglabas ng balita ay ang ABS-CBN, na hindi nila binigyan ng bagong prangkisa. At least binigyan naman nila ng chance na maka-scoop sa istorya ng bagong national artists.