Janine, nadiskubreng hindi paborito
Ayun, lumabas ang isa pang dahilan ng exodus ni Janine Gutierrez sa GMA, iyong sinasabing qualified siya pero hindi siya ang binigyan ng role sa Encantadia. Bukod diyan marami pa kaming narinig na ibang dahilan kung bakit pinili niyang lumipat sa ABS-CBN.
Siguro isa na nga riyan iyong love team. Nang mapansin ang love team nila noon ni Elmo Magalona, biglang ginawa itong ka-love team ni Julie Anne San Jose.
Lumipat sa GMA ang boyfriend na niyang si Rayver Cruz noon, ginawa ring ka-love team ng paborito ng network na si Julie Anne San Jose.
Eh bakit ka nga naman mananatili sa isang network na hindi ka naman kabilang sa paborito?
Pero mabagal din ang galaw ng career niya sa nilipatan niyang ABS-CBN, lalo na nga ngayon na wala na iyong prangkisa bagama’t umingay ‘yung unang teleserye niyang Marry Me, Marry You.
May ginawa rin siyang pelikula na ilalabas daw sa sinehan na ka-partner uli si Paulo Avelino na ewan ko ba naman kung bakit ayaw umamin kung sila na ba talaga o hindi ba.
Vilmanians, planong punuin ang mga sinehan pagbalik ni Ate Vi
May panahon na tinawag ring “movie queen” si Vilma Santos. Ang totoo nagkaroon pa ng showbiz komiks-magazine noong araw na ang title ay Movie Queen Vilma Santos Magazine na ang publisher ay ang yumao na ring si Rudy Ner Siongco, na naging president pa ng FAMAS. Pero parang hindi nga iyon tumatak kay Vilma, at ang mas nagustuhan ng kanyang fans ay ang Star For All Seasons, na lalong naging bukambibig nang iyon din ang paulit-ulit na narinig sa kanyang highly-rated TV show noon.
Simple lang ang kaisipan ng kanyang fans, “basta sinabi kasing star for all seasons, siya na iyon,” sabi ng presidente ng kanyang pinakamalaking fan club na si Jojo Lim.
Kasi nga naman iyong movie queen ay marami, at kanya-kanyang panahon ang pagrereyna.
Matatawag kang movie queen pero depende iyan sa resulta ng pelikula mo.
Halimbawa, may panahong tinawag ng ABS-CBN na movie queen din si Bea Alonzo, noong kumikita pa ang pelikula noon sa kanila, eh ngayong matagal na siyang walang pelikula, at kahit naman noon ang kita ng kanyang mga pelikula nalampasan ng kita ng pelikula ni Kathryn Bernardo, ngayon ba ay tinatawag pa rin siyang movie queen?
Halimbawa, ano nga ba ang masasabi mo sa 23 taon na minsan-minsan lamang lumabas si Vilma Santos, “pero iyong minsan-minsan niya lahat naman ay naging big hits,” sabi nila pero ibigay mo na nga sa iba iyong title na iyon.
Si Ate Vi ang Star For All Seasons, gaano man siya katagal na magbakasyon star pa rin siya. Ngayong magbabalik siya sa panahon ng economic depression at ang mga pelikula ay hanggang sa internet lang at barya lang kinikita, sinasabi ng mga Vilmanian na “patutunayan naming makakagawa siya ng isang malaking box office hit sa mga sinehan. Baka nga bilang star for all seasons, siya talaga ang hinihintay para makabalik ang pelikulang Pilipino sa mga sinehan. Kasi kung internet lang ni hindi mo masasabing pelikula eh, video lang iyan,” sabi pa nila.
Mukhang may point naman sila.
Papaano mo nga bang matatawag na pelikula iyong sa internet?
Nakikiramay…
Gusto naming ipaabot ang pakikiramay sa isang kaibigan, na dati ay nasa Regal at Seiko na si Jun Macarrubo. Yumao si Jun noong Martes ng gabi, at nakaburol malapit lang sa kanyang tahanan sa Dona Maria Subdivision sa Burgos, Rodriguez Rizal. Sa Martes din daw ang kanyang libing.
Ipanalangin natin ang ganap na katahimikan ng kanyang kaluluwa.
- Latest