Aubrey Miles, Troy Montero kasal na matapos ang 18 taong relasyon

Hinahalikan ang bagong kasal na sina Auvrey Miles at Troy Montero matapos magpakasal sa Mandaluyong, ika-9 ng Hunyo, 2022
Litrato mula sa Nice Print Photography

MANILA, Philippines — Matapos ang halos dalawang dekadang relasyon, nag-isang-dibdib na sa wakas ang showbiz couple na sina Troy Montero at Aubrey Miles.

Ang civil wedding ay isinagawa ni outgoing Mandaluyong Mayor Menchie Abalos nitong Huwebes.

"It’s Official. After 18 years together, it only takes 30 minutes to seal it," wika ni Aubrey sa isang Instagram post, Biyernes.

"We did it @troymontero."

Ngayong Marso lang nang isapubliko ng dalawa ang kanilang engagement, kahit na meron na silang anak na babae at lalaki.

Binati naman sila ng mga kapwa kasama sa larangan ng showbiz gaya nina Sunshine Cruz, Candy Pangilinan, Kitkat, Tom Taus, Giselle Sanchez, Andi Manzano, Gretchen Ho, atbp. para sa susunod na yugto ng kanilang pagsasama.

"Also to the mayor of [M]andaluyong, Mayor [C]armelita [A]balos, maraming salamat po," sabi pa ng dating sexy actress.

Enero lang nang sabay-sabay tamaan ng COVID-19 sina Aubrey, Troy at kanilang mga anak, bagay na kanila ring nalagpasan.

Si Troy ay kilalang kapatid ng kapwa mga showbiz personalities na sina KC Montero at Colby Miller. — James Relativo

Show comments