Bitoy, umiiwas na sa mga katrabaho!
May ayaw maalala...
Naging emotional ang buong cast ng Pepito Manaloto nang tinanong ko sila sa nakaraang mediacon ng Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento kung ano ang naramdaman nila sa first taping day na wala na ang direktor na si direk Bert de Leon.
Sa totoo lang, kaya pinatanong ko na lang ito sa host dahil baka maunahan ko sila sa pag-iyak dahil naging mabait talaga sa amin si direk Bert.
Kaya ramdam ko ang pangungulila nila sa kanilang direktor ngayong bumalik na sila sa trabaho para ipagpatuloy ang kuwento ni Pepito Manaloto.
Hindi napigilan ni Chariz Solomon na umiyak dahil talagang nami-miss daw nila si direk Bert kapag kumakain sila dahil ‘yun ang isa sa bonding nila. Masaya ang kuwentuhan nila kasama si direk Bert.
Kaya sabi nga ni Michael V., mabuti at siya na rin daw ang nagdidirek ngayon dahil mas nagiging abala siya. Naiiwasan daw niyang sumama sa buong cast na kumain dahil abala pa siya sa pagsusulat ng script at inaayos pa ang susunod na eksenang kukunan. “Isa sa mga reason kung bakit nagustuhan ko rin ‘tong directorial job ko is to… parang nasasalba ako dun sa sama-samang pagkain e. Kasi, ‘yung time namin talaga together.
“So, pagka everytime na kakain ang grupo, ‘yung puwesto namin dun sa dining table, ‘yun ‘yung palaging pumapasok sa ulo ko. And I think kahit papano this time around, since nagtatrabaho nga ako as a writer, hindi ko masyadong na-experience ‘yun.
“Pero ano e, ramdam mo pa rin ang kawalan ng isang tao na minahal n’yo na kasama siya from the very start, and I think siya ‘yung parang nagiging strength ko rin pagka tinutuloy ‘yung trabaho as the writer. Hindi ko maikakailang nandiyan siya parang binubulungan ako na tulungan ako kahit papano.”
Kaya hindi na sila naghanap muna ng ibang magdidirek nito dahil sa tingin nila wala pa talagang puwedeng pumalit kay direk Bert de Leon sa Pepito Manaloto.
Sa darating na Sabado, June 11, ng gabi ay magsisimula na itong Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento na ipapalit na sa timeslot ng Ang Unang Kuwento.
Kasama pa rin sina Manilyn Reynes, Ronnie Henares, Chariz Solomon, Art Solinap, Jake Vargas at Angel Satsumi na malaki na ngayon.
Budol, may pakiusap sa fans
Nakikiramay po kami kay Herlene Budol o mas kilalang si Hipon Girl dahil sa pagpanaw ng kanyang lola na si Nanay Bireng.
Ang isa sa ikinalungkot ng kilalang social media personality ay hindi man lang daw nahintay ng kanyang lola ang laban niya sa Binibining Pilipinas sa July.
Pero may pakiusap si Herlene sa kanyang Facebook account na gusto niyang iparating sa kanyang fans.
Kung maari raw ay huwag naman daw magpa-picture sa kanya kapag pumupunta sila doon sa burol.
Bahagi ng kanyang post nung Martes ng gabi: “Para makasama niya kayo sa kanyang huling hantungan. Pakiusap lang po sa mga bibisita na hindi muna ako magpapa-picture pero puwede po kayong makiramay kasama ako.
“Gusto kong ibahagi ko sa lola ko ang pagmamahal ng aking taga-suporta.
“Hindi man niya masasaksihan ang laban ko sa Bb. Pilipinas, masaya na kaming dalawa na nandiyan kayo sa tabi ko.”
Bukas ang burol ng Nanay Bireng ni Herlene hanggang ngayong araw sa Sympathy Memorial Park and Columbarium sa Angono, Rizal.
Samantala, napag-usapan din namin si Herlene Budol nang nakatsikahan namin si Buboy Villar sa grand launch ng AQ Prime Stream na ginanap sa Conrad Hotel nung nakaraang Sabado.
Si Buboy kasi ang isa sa bida sa pelikula ng AQ Prime na pinamagatang Huling Lamay na dinirek ni Joven Tan.
Sabi ni Buboy, medyo nabitin daw siya sa pagsasama nila ni Herlene sa mini-series ng GMA 7 na False Positive. Napag-usapan daw nila ito ni Herlene kamakailan lang at sinasabi nga nilang sana na-extend pa sila roon dahil sa masayang pag-portray nila bilang si Malakas at si Maganda.
“Natutuwa ako kay Herlene. Okay siyang katrabaho, lalo na open siya sa mga suggestion, ganyan,” pahayag ni Buboy.
Isa rin siya sa nagulat sa malaking transformation ni Herlene, na ang laki na ang iginanda ngayong napasama siya sa Binibining Pilipinas.
“Wala akong masabi sa kanya. Katulad nung nakita ko siya, sabi ko, ‘Huwaw! Ibang-iba ka na ngayon! Nanibago ako sa kanya nung nakita ko siya. Pero okay pa rin naman, ganun pa rin siya, kalog!,” sabi pa ni Buboy na pinaghahandaan na rin ngayon ang pagsali sa Running Man Ph sa GMA 7.
- Latest