MANILA, Philippines — Ipinadedeklarang persona non grata ng isang konsehal sa Quezon City ang aktres na si Ai-Ai delas Alas at direktor na si Darryl Yap dahil sa ginawang "pambabastos" sa selyo ng lungsod sa isang video kung saan ikinampanya ang talunang mayoral candidate na si Anakalusugan Rep. Mike Defensor.
Kaugnay ito ng video na inilabas nina Yap noong ika-29 ng Abril sa pamamagitan ng FB page na "VinCentiments," kung saan in-impersonate ni Ai-Ai si QC Mayor Joy Belmonte bilang si "Ligaya Delmonte" at nilagyan ng mga salitang "BBM" at "Sara" ang selyo ng lungsod.
Related Stories
"I am calling all the content creators, especially Mr. Darryl Yap and Ms. Ai-Ai delas Alas, and many others who were part of this project, to apologize to the citizens of Quezon City for debasing and bastardizing the beloved seal of Quezon City," ani outgoing QC District 4 Councilor Ivy Lagman, Lunes.
"It is a great disrespect and disregard of the laws of our land to superimpose the said seal just to campaign for a politician... I reiterate our call for these people, Mr. Darryl Yap, Ms. Ai-Ai delas Alas, Cong. Mike Defensor and his cohorts, to apologize to the citizens of Quezon City for [their] actions, and also promise to never do such acts again."
Ipinahayag ni Lagman ang kanyang paghahain ng nasabing resolusyon habang nasa 94th Regular Session ng 21st City Council.
Kilalang tagasuporta nina president-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at vice president-elect Sara Duterte-Carpio sina Delas Alas, Yap at Defensor.
Ang salitang persona non grata ay ginagamit para isalarawan ang mga "unacceptable" o "unwelcome person" sa isang lugar.
Sa kabila nito, walang kapangyarihan ang mga resolusyong pumigil kaninuman na pumunta sa lugar kung saan persona non grata ang isang tao dahil sa right travel na ipinagkakaloob ng Article III, Section 6 ng 1987 Constitution.
Paliwanag ni Lagman, mas layunin nitong ipakita ang "disdain" ng local government councils sa mga naturang tao. Wala naman daw itong aktwal na penalty.
Ayaw namang humingi ng tawad ni Yap hanggang sa ngayon sa kanilang pinaggagagawa: "Yoko nga," sabi niya sa Facebook kanina.
Wala pang pahayag patungkol sa nangyari si Ai-Ai, na merong tahanan sa QC kahit na sa Estados Unidos na talaga tumitira. — James Relativo
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.