Masayang ibinalita ng FDCP Chairperson Liza Diño-Seguerra na maganda ang resulta ng pagsali natin sa katatapos lang na Cannes International Film Festival sa France.
Nakakuha pa ng partnership doon ang ilang local film project, kagaya ng pelikula ni Alvin Belarmino na nabigyan ng development grant na 5 thousand Euro, at ang isa pa nating pelikulang Plan 75 na co-production ng Pilipinas at Japan na nakuha ang Camera d’Or na iginawad sa direktor nitong si Chie Hayakawa at sa co-producers nilang sina Alembarg Ang at Wilfredo Manalang. Bida sa pelikulang ito ang isang Filipina Japanese actress na si Stefanie Arianne.
Bukod pa riyan, talagang pinag-usapan daw ang mga Pinoy doon lalo nang nagwagi ng Palme d’Or ang pelikulang Triangle of Sadness ni Ruben Ostlund.
Ang laki ng partisipasyon sa pelikulang ito ang Pinay actress na si Dolly de Leon, na pinuri ang napakagaling niyang performance. “Talaga namang pinag-usapan siya sa Cannes dahil napaka-pivotal at napakagaling ng kanyang performance doon sa movie na Triangle of Sadness at ‘yun pa ang nanalong ng highest award,” pahayag ni Madam Liza nang muli naming nakapanayam sa DZRH nung nakaraang Biyernes.
Ang maganda pa raw na resulta ng pagpunta niya sa Cannes ay nagawa niya ang isa pang proyekto nilang FDCP FilmPhilippines Incentives.
Nagawa niyang i-convince ang ilang film producers doon na makipag-partner sa ating producers dito at mag-shoot sa ating bansa, para makakuha sila ng incentives.
Talagang kinarir daw niyang i-promote sa Cannes na madali at safe mag-shoot sa ating bansa, at makipag-partner sa film producers natin.
“Kailangan ko lang talagang i-convince sila bakit makipagtrabaho sa atin. Number one asset natin is our people. Napakagaling ng producers natin. Napaka-flexible natin. We can make things happen for them,” pakli ni Liza Diño.
Marami na raw ang naka-line up na projects na dito gagawin sa Pilipinas.
Magagamit ang mga magagandang lugar dito sa atin, kagaya ng Caramoan na paborito raw nilang lugar.
May mga naka-schedule na rin daw sa Palawan, sa Cebu at sa Subic. Kaya malaking tulong din ito at extra na kita sa LGU ng naturang lugar.
Naniniwala ang FDCP Chairperson na lalo nating mape-penetrate ang international market sa pakikipag-co produce ng film producers natin dito sa ibang international film production.
“Kailangan nating tumaya. Kailangan nating mag-invest at kailangan natin gawin ang pinakamagandang pelikula talaga para ma-represent ‘yung kaya nating gawin,” dagdag na pahayag ng FDCP Chairperson Liza Diño.
Ana, tuloy ang kaso kay Kit
Pagkatapos tanggalin si Kit Thompson sa Flower of Evil at pinalitan ni JC de Vera, may isa pa siyang proyektong binago na rin at tuluyan na siyang tinanggal. Ito ‘yung digital series ng Puregold na pinamagatang Ang Babae sa Likod ng Face Mask.
Ang kilalang si Hipon Girl o si Herlene Budol ang bida rito kasama si Kit bilang leading man niya.
Nakatakda na sanang i-stream ito nung April pero pumutok naman ang isyung diumano’y pambubugbog ni Kit kay Ana Jalandoni.
Na-hold ito dahil sa iskandalong ito, at hindi pa alam kung ano na ang gagawin.
Napagdesisyunan na ituloy nila pero kailangang palitan ang lead actor, at si Joseph Marco ang napili.
Curious lang ako kung ano ang kinalabasan nito dahil ang laki na ng iginanda ni Herlene magmula nang pumasok siya sa Binibining Pilipinas.
Paano kaya ang continuity ng mga unang nakunang eksena?
Samantala, ang dami na ring naawa kay Kit Thompson dahil talagang nawalan na siya ng career dahil sa iskandalong kinasangkutan niya.
Wala pa ring pahayag ang management team niyang Cornerstone kung ano ang plano nila kay Kit.
Naka-text ko ang abogado ni Ana na si Atty. Faye Singson, at sinabi niyang tuloy pa rin daw ang kaso. Hindi lang niya idinetalye kung anong status nito ngayon. Hindi pa naman nababalitaan kung umakyat na ito sa korte.
Pero aware ang kampo ni Kit na pursigido si Ana na ituloy ang kaso.
Ewan ko kung ano ang kalalabasan nito dahil in-announce naman ng Cornerstone na under na sa management nila ang showbiz career ni Ana.
May mga nag-suggest na rin daw na dapat ay dumaan muna sa counseling si Kit.
Pero makakabalik pa kaya siya sa entertainment industry?