Malaki ang papel ng bisikleta nitong pandemya sa maraming Pilipino. Kadalasan ginagamit ito sa transportasyon, pero may isang lolo na ginagamit din ang kanyang bisikleta para gumawa ng nakabibilib na stunts.
Sa bagong episode ng KBYN: Kaagapay ng Bayan ni Kabayan Noli de Castro ngayong Linggo (Hunyo 5) sa Kapamilya Channel at A2Z, makikilala ng viewers ang 78-taon gulang na si Lolo Conrado Magcalas mula sa Tondo na nahilig sa paggawa ng iba’t ibang stunts sa kanyang bisikleta. Malaki ang naitulong nito sa kanyang pamumuhay ngayong pandemya.
Dahil naman sa panunumbalik ng hilig sa pagbibisikleta, natuklasan ni JC Agpalo ang ‘bamboo bike’ na nagtulak sa kanya na itatag ang grupong ‘Bamboo Bikes Philippines,’ kung saan nagsasama ang ilang Pinoy na mahilig sa ganitong uri ng bisikleta.
Tampok din sa KBYN, na napapanood din sa Kapamilya Online Live, news.abs-cbn.com/live, at YouTube ng ABS-CBN News, ang hilig sa pagkolekta ng manika ni Angelica Isip.
Pero kakaiba ang kanyang collection dahil si Angelica mismo ang gumagawa sa kanyang mga manika na mistulang itsurang tao talaga. Umaabot sa isa hanggang tatlong buwan ang paglikha niya ng ‘reborn dolls’ gamit ang silicon o vinyl.
Samantala, maaantig naman ang puso ng viewers sa kwento ng mga kababayang patuloy na lumalaban sa buhay sa kabila ng kapansanan. Ipapamalas ni Kabayan ang kwento ng pag-asa ng pedicab driver, dating roving aircon technician, dating construction worker, at isang Pinoy na may diabetes na pawang nawalan ng binti, at kung paano sila nagpapatuloy sa buhay gamit ang artificial leg.