'Showtime' hosts, judges nag-ambag ng P200k para sa contestant na nasalanta
MANILA, Philippines — Impromptu bayanihan ang ipinamalas ng mga host at hurado ng "Tawag ng Tanghalan" sa "It's Showtime" matapos mapag-alamang nawalan ng bahay ang isang contestant dahil sa nagdaang Super Typhoon Odette.
Martes nang humarap ang Cebuanong daily contender na si Edimar Bonghanoy, na kapansin-pansing problemado.
"Kasi po noong [nagdaang bagyong Odette], nawala po ang bahay namin," ani Edimar kanina, na ilang ulit nang bumabalik para sumali sa "Tawag ng Tanghalan."
"Hanggang ngayon nga po nagbarung-barong lang po kami... trapal."
Kinumbinsi tuloy on-air ni Vice Ganda ang kapwa hosts at mga huradong mag-ambag-ambag para makatulong sa pagpapagawa ng bahay. Ang ilan ay nagbigay ng P5,000 habang ang ilan ay nagbigay ng P65,000 — on the spot.
Kasama sa mga nagbigay sina Vhong Navarro, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla, Amy Perez, Ryan Bang, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz atbp.
Hindi rin naiwasang maging emosyonal ng mga Cebuanang sina Kim Chiu at Janine Berdin, lalo na't malapit sa kanila ang isyu't may mga kilalang tinamaan ng naturang sakuna.
"Isara na natin 'to P200,000," wika ni Vice, na nagbigay ng pinakamalaki sa lahat.
"Para sa'yo 'yan, mula sa aming lahat dito sa 'Showtime.' Gusto namin mapasaya ka. Hindi man makita ngayon sa mukha mo ang kasiyahan sa ngayon, alam naming nararandaman mo 'yan at ng nararamdaman ng pamilya mo."
"Sa buhay, hindi madali. Pero napapadali dahil sa mga kaagapay."
Maluha-luha namang tinanggap ni Edimar ang pagtulong ng mga bumubuo ng palabas.
Matatandaang lagpas sa 400 ang namatay sa Pilipinas dulot ng bagyong "Odette" sa pagpasok ng taong 2022, bagay na rumagasa sa Mimaropa, Region 5, Region 6, Region 7, Region 8, Region 9, Region 10, Region 11, Region 12, Caraga at BARMM. — James Relativo
- Latest