PIE Channel, maghahatid ng saya at papremyo sa tv at online
Umpisa na ang mga kwelang jock ng PIE o Pinoy Interactive Entertainment para sa kakaibang entertainment experience ng tradigital channel na ito na nag-umpisa na kahapon, Lunes, Mayo 23, 2022.
Mapapanood ang PIE sa BEAM TV, Sky Cable Channel 21, PIE Website, at PIE YouTube Channel.
Magiging live din ito sa GLife ng GCash app simula Mayo 28.
Samu’t saring saya at papremyong aabot sa P10 milyon ang inihanda ng PIE para sa Pinoy fans sa unang tatlong buwan ng pag-ere nito.
Maaring salubungin ang araw sa mga nakaka-inspire na kwento at positibong enerhiya tuwing ika-7 ng umaga sa PIESILOG kasama si “Mayora” Frances Cabatuando ng Home Buddies Facebook community.
Nandiyan din sina “Kikay” Sela Guia, “Kwelang Kuya ng Lahat” Tristan Ramirez, “Bibong Artist” Raco Ruiz, “Good Boy Charmer” Jae Miranda, at “VJ na Laging May Say” Eryka Lucas.
At habang nagla-lunch break, pasasayahin kayo ng viral at sikat na content na dala ng BARANGAY PIE. Makikita sa barangay na ito ang iba’t ibang personalidad ng ordinaryong Pinoy kung saan tiyak makaka-relate ang mga manonood.
Kilalanin “Ang Tito Mong Mayor” Mayor TV, “Ang Muse ng Barangay” Abby Trinidad, “Barangay Talak-Tokerist” Ruth Paga, “Sawsawera ng Barangay” Sunshine Teodoro, “Barangay Queen Sirena” Inah Evans, “Barangay Sexy-Tary” Patsy Reyes, at “Sizt-mosa ng Barangay” Coco Cordero.
Pagdating ng alas-4 ng hapon, bibigyan ka ng inspirasyon ng PIEGALINGAN, ang tambayan ng mga galing ang panlaban.
Ang talent variety show na ito ay pangungunahan nina “G sa Lahat ng Gimik” at “Try-It” actor/streamer Ralph Malibunas, “Reynang All-Out ang Support” beauty queen/actress Sam Bernardo, at “Bidabro” at “Promotor ng Trip” actor/host Eris Aragoza.
Pwede ka ring maging PIENALO gamit ang iyong mobile phone. Naglevel-up na sa PIE ang classic game show na “Pera o Bayong” na mamimigay ng mga premyo bawat oras sa mga manonood.
Sa “Palong Follow,” magtutulungan naman ang PIE viewers para hanapin ang susunod na digital content creator ng bansa.
Makakasama mo sa PIENALO ang “Goal-Oriented Achiever” Eian Rances, “Ang Raketerang Breadwinner ng Visayas” Nicki Morena, “Happy-Go-Lucky Bunso ng TropPIE” Kevin Montillano, at well-loved chef at YouTube sensation Ninong Ry.
Kung isa kang “Marites,” bagay sa iyo ang PIE Night Long. Maki-join sa mga modernong kwentong Pinoy kung saan pwede kang mag-share ng iyong feelings. Sa “UZI,” ang unang interactive na teleserye sa bansa, may say din ang viewers sa magiging takbo ng bawa’t kwento.
Handa namang makinig sa kwento ng buhay mo sina “Fun-Loving and Woke Gen Z” Aaron Maniego, “Hopeless Romantic Love Guru” Karen Bordador, at ang “Sweet and Conservative Musician” Renee Dominique.
Ilulunsad din ng channel ang opisyal na kanta at station ID nito sa Mayo 22 tampok ang mga artist na sina KD Estrada, Alexa Ilacad, P-POP Girl Group BINI, Renee Dominique at John Roa.
“Sa PIE, ang viewers ay bahagi ng isang komunidad na gumaganap ng aktibong papel sa pagkukuwento, games at talk shows. Maging sa TV, laptop, desktop o mobile device, ang PIE ay madaling ma-access ng mga Pinoy na gustong sumubok ng bagong paraan para manood at maki-interact sa mga palabas,” sabi ni KROMA Entertainment Chief Executive Officer Ian Monsod.
“Ginawa naming interactive ang aming mga programa para makalahok ang mga manonood sa pamamagitan ng TV at mga mobile device. Maghanda para sa 21 oras ng masasayang palabas araw-araw sa bagong entertainment channel na ito,” pahayag naman ni Cory Vidanes, ABS-CBN Chief Operating Officer of Broadcast.
Ang PIE ay hatid ng BEAM, 917Ventures, KROMA, at ABS-CBN.
- Latest