Walang hanggan ang pag-asa para sa mga taong may pananampalataya.
Ito ang universal message na hatid ng Dear God, ang kauna-unahang spiritual drama anthology ng TV5 na naglalayong makatulong sa mga taong nangangailangan ng lakas, pag-asa, at inspirasyon.
Magsisimula na itong mapanood ngayong Mayo 2022.
Puno umano ng pananampalataya, pagmamahal, pag-asa, at pagbabago ang serye kasama ang powerhouse lineup sa pangunguna ni Piolo Pascual, Lara Quigaman, Kris Bernal, Sue Ramirez, Vina Morales, Riva Quenery, at marami pang iba.
Ang Dear God ay isang anthology series na nagbabahagi ng mga kwento ng mga nakatagpo, nagbago, at pinagpala ng tunay na bida ng programa, ang Panginoon.
Sa kabila ng pagsubok na pinagdaanan nating lahat, layunin ng serye na humaplos pa sa puso, magbigay-inspirasyon, at magpalalim sa pananampalataya ng mga manonood para magbigay puri sa Diyos Ama.
Bawat episode umano ng Dear God ay magkakaroon ng kakaibang storyline. Ipapakita ang pakikibaka at paglalakbay ng mga karakter tungo sa pagsisisi, pagsuko sa Diyos, at maging sa pagkrus ng landas ng mga iba pang karakter na makikilala sa previous episodes ng serye.
Para sa kauna-unahang episode, tampok sa Dear God sina Piolo, Lara, at Harvey sa isang madramang kwento ng pamilya. Gaganap si Piolo bilang isang ekspertong doktor na matagumpay na naililigtas ang kanyang mga pasyente ngunit mahihirapan nang ang kanyang nag-iisang anak (Harvey Bautista) ay nagkasakit. At ang kritikal na kalagayan ng kanyang anak ang magiging daan upang tumibay sa kanyang pananampalataya at ialay ang sarili sa Diyos.
Sa ilalim ng direksyon ni Richard Ibasco Arellano, ang Dear God ay hatid ng Cignal Entertainment, 5 Stars Productions, Ria Productions at Heaven’s Best Entertainment Productions.
Mapapanood ito tuwing Lunes, Martes, at Huwebes, simula ngayong Mayo 23, sa TV5.
Villar TV, gagawing ala-Disney
Uy medyo gumagalaw na raw ang Villar TV ayon sa isang source. May naririnig daw siyang nakikipag-usap sa ilang talent para sa kanilang mga inihahandang programa though sabi nga ng isang showbiz observer matagal pa bago mangyari ito dahil wala pa nga ang mga equipment ng Villar TV unless nga raw magkaroon ng partnership sa ABS-CBN.
Inaasahan din daw na magkakaroon dito ng comeback si Toni Gonzaga at maging si Andrew E.
Matagal nang napapabalita na diumano’y si Willie Revillame ang magiging big boss ng nasabing network.
Nauna na ring sinabi ni former senator Manny Villar na bukas siya sa pakikipagsosyo sa ABS-CBN.
Sinabi rin niya sa nasabing interview na nag-e-explore ang kanilang grupo ng katulad sa US news and entertainment conglomerates na The Walt Disney Co.
Ipinagkaloob ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS), ang Channel 2 analog at Channel 16 digital TV frequencies na dating ino-operate ng ABS-CBN.
Broken at 2...,hataw sa digital platforms
Hataw ang The Broken Marriage Vow sa Viu at 2 Good 2 Be True sa Netflix ng ABS-CBN.
Most viewed Asian drama pa rin sa Viu Philippines ang The Broken Marriage Vow at maganda naman ang naging panimula ng 2 Good 2 Be True dahil number one ito sa Top 10 list ng movies at TV shows sa Netflix Philippines.
Kaya naman lubos ang pasasalamat ng direktor ng The Broken Marriage Vow na si Concepcion Macatuno sa pagtangkilik ng mga tao sa kanilang palabas.
Ibinahagi naman ng 2 Good 2 Be True director na si Direk Mae Cruz Alviar na kinabahan pa ang lead stars ng palabas na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla noong sinisimulan pa lang nilang gawin ang serye. “Noong first day nila sabi nila kung marunong pa sila umarte. Parang sobra silang kinakabahan. Syempre it’s been a long time,” sabi niya.