Ang bongga lang, Ateng Salve, dahil panalo si Emmanuel Pacquiao, Jr. o si Jimuel, sa boxing fight niya laban kay Johnathan Barajas sa Montebello Country Club, Montebello, California noong Thursday (Friday ng umaga sa atin).
Special attraction ang amateur bout ni Jimuel laban kay Johnathan sa Hollywood Fight Nights event na ‘yon.
Napakaraming mga kababayan natin ang sumuporta sa anak ng ating Pambansang Kamao na si Senator Manny Pacquiao.
Ang Pinoy reporters na close friends ko na sina Tony Garcia at Katie Ortiz ang nagkuwento sa amin na nagpunta sila roon para suportahan si Jimuel.
In fairness, ang bait daw ng anak nina Manny at Jinkee Pacquiao. Nakikipagkuwentuhan ito sa mga supporter na nagpunta roon.
‘Katuwa rin na pati sina Mario Lopez at apl.de.ap ay sumuporta rin sa laban na ‘yon ni Jimuel.
Inaasahan na magiging big name rin sa boxing world si Jimuel. Like Manny, mahusay rin ang kanyang junior pagdating sa boxing, huh!
Ang bongga!
Live events, uso na ulit
Uso na talaga ang live events ngayon.
Kahapon, nasa SM Aura Premier si Janine Gutierrez para sa event ng isang beauty company na ine-endorse niya.
Ngayon naman gaganapin ang screening/presscon ng Run To Me iWantTFC original series nina KD Estrada at Alexa Ilacad sa isang mall sa may San Juan.
Inaasahan na pupuntahan ng entertainment press ang imbitasyon na ‘yon ng ABS-CBN.
Bukas naman ng hapon magaganap ang pagwe-welcome ni Ogie Alcasid kay Ian Veneracion bilang talent ng ATeam Entertainment.
Face-to-face event din ‘yon, pero dahil hindi puwedeng maramihan, ang iba ay sa Zoom lang magdyo-join.
Ipapalabas naman ‘yon ng live sa official Facebook pages nina Ogie at Ian.
Magandang panoorin ng mga fan ang event na ‘yon dahil mala-mini concert na rin ‘yon dahil “haharanahin” ni Ian ang viewers. Malamang na may duet din sila ni Ogie.
‘Yun na!