Moira, naglabas ng comeback single at 2G2BT theme song na Kumpas

Moira dela Torre.

Opisyal nang inilabas ni Moira dela Torre ang kanyang comeback single na pinamagatang Kumpas na nagsisilbi ring theme song ng bagong ABS-CBN Entertainment series na 2 Good 2 Be True.

Kumuha ng inspirasyon ng kanta hindi lang sa serye kundi pati na rin sa real-life love story ng mga bida nitong sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. “Hindi lang ito sa synopsis ng 2 Good To Be True nakabase but sa documentary ng KathNiel,” kwento ni Moira sa naganap na 2 Good 2 Be True grand media conference kung saan una niyang pinerform ang kanta. “It was really made for KathNiel and 2 Good To Be True.’” 

Inilalarawan ng Kumpas ang pinapahalagahang tao ng isang nagmamahal na itinuturing niyang kumpas o tagaligtas sa panahon ng mga bagyo at gabay tungo sa tamang daan.

Maririnig na ang kantang Kumpas ni Moira sa iba’t ibang digital streaming platforms.

Mapapanood ang 2 Good 2 Be True sa Netflix simula Mayo 13, sa iWantTFC simula Mayo 14, at sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, Jeepney TV, at TV5 simula Mayo 16.

Bubog at karga, maraming nadiskubre

Matagumpay na ginanap noong May 5, 2022, ang pagtatapos ng Bubog at Karga: Ac­ting Workshop on the Chubbuck Technique for Background Actors ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) kung saan ipinamalas ng mga naging kalahok ang kanilang galing sa pag-arte sa isang in-person acting showcase sa Cinematheque Center Manila.

Ang acting showcase ang panghuling gawain ng unang batch ng background actors na sumailalim sa 14 na linggong online acting training at onsite rehearsals sa pangunguna ng acting coach na si Direk Rahyan Carlos. “Nakita ko sa batch na ito, lahat sila gutom—gutom na matuto. I always tell them that acting is a lifestyle of learning. Balikan natin ang sarili natin, mag-aral tayo at matuto para igalang tayo,” pagbabahagi ni Direk Rahyan.

Ang Chubbuck Technique ay isang acting technique na may 12 hakbang na naglalayong gamitin ang mga emosyon gaya ng sakit ng kalooban bilang instrumento upang epektibong mapalabas ang emosyong hinihingi ng isang eksena.

Maaaring iba-iba ang pinag­huhugutang damdamin ng bawat isang aktor ngunit ang technique ay may sinusundang mga tiyak na hakbang upang makamit ang pangunahing objective ng isang eksena.

 Nagtapos ang gabi sa isang post-show red carpet walk, pamamahagi ng mga sertipiko, at pagpapalabas ng isang video presentation ng naging paglalakbay ng batch na ito. Ang 25 kalahok na bumubuo ng unang batch ng background actors na nakapagtapos ng naturang workshop ay nagmula sa iba-ibang acting background gaya ng  teatro, independent films, telebisyon, advertisement, music video, at online content.

Mula naman kay FDCP Chairperson at CEO Liza Diño, “This workshop is so important to us because we want to empower and dignify background actors. At the end of the day, it’s still very important to formalize these skills in order for us to elevate as professionals in this field, especially since acting is a continuous process of learning. These background actors have an important role and they deserve a space as respected actors.”

 

Show comments