Paolo, ayaw pa rin sa pulitika
Ang laki ng pasasalamat ni Paolo Contis sa Ako Bicol Partylist na pinagkatiwalaan siya bilang endorser sa kabila ng mga negatibong isyung kinasangkutan niya.
Ang naturang partylist ang isa sa nanguna sa katatapos lang na eleksyon at nakakuha ito ng dalawang seats sa Kongreso.
Na-enjoy ni Paolo ang pagsama niya sa campaign sorties dahil doon daw niya naramdaman ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tao.
Lalo na raw sa Bicol, ramdam daw niya ang pagmamahal sa kanya ng mga Bicolano, lalo na ‘nung panahong ‘yun na katatapos lang niya sa I Left My Heart in Sorsogon. “Masaya sila ‘pag nakikita kami. Napaka-warm. Sabi ko nga puwede mong kunin lahat ng artista to endorse you but at the end of the day, ang iboboto pa rin nila is ‘yung may mga nagawa at ginagawa talaga for them,” text sa akin ni Paolo.
Ang laki raw ng naitulong sa kanya ng mga kasamahan niya sa Ako Bicol dahil lalo raw siyang napamahal sa mga Bicolano.
Pero hindi ibig sabihin ay papasukin din niya ang pulitika at tatakbo sa Bicol. Hindi raw niya ‘yun naiisip. “Hindi ko iniisip ‘yung pagpasok sa pulitika. “Sa ngayon masaya ako na I’m part of Ako Bicol partylist.
“Mag-iikot pa rin ako during this term para makatulong pa ako. Hindi hanggang kampanya lang,” saad ni Paolo.
Teka, ano kaya ang plano ng GMA 7 sa career ni Paolo.
Sa Bubble Gang na lang siya napapanood.
Kasama kaya siya sa mga naka-line up na shows ng GMA 7?
Alfred, nadiskubre ang mga totoong kaibigan
Nakahinga na nang maluwag si Cong. Alfred Vargas pagkatapos ng proclamation niya bilang konsehal ng 5th district ng Quezon City, at ang kapatid niyang si PM Vargas na ang Congressman-elect ng naturang distrito.
Sabi ni Alfred nang nakatsikahan namin sa aming programa sa DZRH nung nakaraang Miyerkules, naka-limang eleksyon na raw siya, pero ito raw ang pinaka-challenging sa kanya kung saan naranasan niyang nakakatanggap ng death threat.
Ngayong tapos na raw ay nakakatulog na siya ng mahimbing, lalo na’t okay na ang kapatid niyang si PM. “Talagang pinagdasal namin na huwag naman sanang umabot sa karahasan, sa mga intimidation, sa mga ano… pero at the end of the day, kahit marami tayong pinagdaanang challenges, nanaig pa rin ang pagmamahal natin sa bayan at performance, at saka ‘yung personal relationships natin sa mga Novaleno.
“Kahit mahirap ‘yung laban, nakaka-proud din at saka nakakatuwang masabi na panalo pa rin ang aking kapatid by landslide victory and talagang malaki pa rin ‘yung mandato at pagtitiwala,” pahayag ni Cong. Alfred.
Gusto na raw nilang mag-move on at wala na raw silang balak na magsampa ng kaso o buweltahan ang kalaban.
Ang maganda lang daw sa karanasang ito, dito ay nakilala ni Cong. Alfred ang mga totoong kaibigan.
“Dito rin namin nakita na ang magandang dulot nito, nalaman namin kung sino talaga ang totoong kaibigan namin at totoong nandidiyan. At natutuwa kami ang dami dami pa rin naming supporters na talagang tunay na nagmamahal sa amin,” pakli niya.
Nanalo ring konsehal si Aiko Melendez pero hindi sila magkapartido, pero okay lang daw ‘yun at wala naman daw issue sa kanilang dalawa. “Oo naman. Isang araw lang ang eleksyon. There’s no reason para hindi mag-unite for the good of the country. Lalo na sa pulitika, there’s no permanent friends, no permanent enemies,” saad pa ni Cong. Alfred.
- Latest