Hatid ng YeY ang all-around viewing experience para sa buong pamilya dahil palabas na rin ang mga Made-For-YouTube shows nito sa bago nitong YeY FamTime programming, na mapapanood online sa YouTube channel nito na may higit isang milyong subscribers.
Matapos ang pagbabalik-TV ng YeY sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, at ilan sa mga programa nito sa A2Z, hatid naman ng kilalang Kapamilya kids content provider ang mga nakatutuwang palabas para kina momshie at popshie na mai-enjoy nila kasama ng kanilang chikiting sa YeY FamTime, tampok ang mga programang hitik sa saya at aral na makatutulong sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.
Isa sa mga programang dapat abangan sa YeY FamTime ay ang Parent Experiment, kung saan ang mga tampok na celebrity parent ay makikisaya sa kanilang mga chikiting through fun activities na layong turuan sila ng mga responsibilidad na makatutulong sa kanilang paglaki.
Ilan sa mga fun activity na kanilang gagawin ay ang pag-eehersiyo, pagluluto, ilang arts-and-crafts projects, at pagtulong sa gawaing-bahay, na may kasamang expert advice mula sa kilalang family psychologist na si Ms. Dey.
Sasabak sa mga nakatutuwang challenge kasama ang kanilang chikiting sina Momshie Jolina Magdangal at Melai Cantiveros, pati ang ilang Kapamilya stars na sina Matt Evans, Nikko Natividad, Nyoy Volante, at Hasna Cabral.
Abangan ang mga bagong episode ng Parent Experiment tuwing Biyernes simula 7 a.m. sa YeY YouTube Channel (youtube.com/YeyChannel).
Samantala, may inihahanda rin ang ilan pang programa sa YeY FamTime programming nito, tulad ng mga nakatutuwang hamon na susubukan ng Kapamilya stars kasama ang kanilang pamilya sa YeY Family Challenge at Play ‘N Learn na tampok ang ilang DIY projects na ginagawa ng celebrity parents kalaro ang kanilang mga chikiting.
Mapapanood din ang YeY FamTime highlights kada-Sabado sa A2Z at Jeepney TV tuwing 9:55 a.m. at sa Kapamilya Channel tuwing 7:35 a.m.