Nakatutok sa botohan ang lahat kahapon.
Sabi ng ilang matatanda na consistent na bumuboto, ito raw ang pinaka mas nahirapan sila sa sobrang dami ng mga botante.
Maaga pa lang ay sobrang haba na ng pila sa halos lahat na mga polling precincts at nagkakaroon pa ng konting aberya sa ibang lugar pero kaagad namang naayos.
Pero hindi pa rin nawawala ang iba’t ibang reklamo at diumano’y mga iregularidad na nakarating sa amin.
Nakaka-text ko nga si Cong. Alfred Vargas na talagang dumadaing na sa matitinding challenges na inabot nila ng kanyang kapatid na si PM Vargas.
Tumatakbong Congressman si PM ng 5th district ng Quezon City, at si Alfred naman ay bumalik sa pagkakonsehal sa ganun ding distrito.
Pero ito raw ang pinakamahirap na pagtakbo nila dahil sa mga harassment na inabot nila at meron pang death threats.
“Grabe ito,” bahagi ng text sa akin ni Cong. Alfred.
Bukod sa death threats na nakakarating sa kapatid niyang si PM, meron pa diumanong isyu ng vote buying at nakapaghain na nga raw ng subpoena ang Comelec sa kanilang kalaban.
Kumukuha lang kami ng mga ebidensya sa lumalabas na balitang bago pa man ang eleksyon ay meron na diumanong nagaganap na gapangan at dayaan sa kanilang distrito.
May mga report pa raw na meron nang naglalagay ng indelible ink sa ilang mga botante para hindi na sila makakaboto sa mismong araw ng eleksyon. May kapalit diumano itong halaga.
Kaya ipinagdadasal na lang ni Cong. Alfred at ng buong pamilya na mairaos itong eleksyon na walang kasunod na kaguluhan.
Nagpapasalamat lang sila sa solid na suporta sa kanya lalo na sa kapatid niyang si PM na inendorso pa ng Iglesia ni Cristo.
Pagkatapos nitong eleksyon ay gusto na ni Alfred bumalik sa pag-aartista. Bukas na siya sa pagtanggap ng drama series, at gusto rin niyang subukan ang lock-in taping.
At ang isa sa gusto ni Cong. Alfred na makasama sa programa ay si Sanya Lopez. Ang lakas daw nang dating ni Sanya na nasusubaybayan niya sa First Lady.
Ibang character ng Probinsyano, tsutsugiin na
Babalik na sa lock-in taping ang Ang Probinsyano, at ang dinig ko hanggang July sila roon.
Iyun na nga kaya ang ending nito?
Wala pa rin naman daw sinasabi sa mga artista, pero may mga ilan na raw na sinabihang kukunan na ang kanilang final episode.
Mukhang tsutsugihin na ang ibang mga karakter, pero hindi pa masasabi kung may mga bagong ipapasok, o kung tatapusin na talaga ang napakahabang teleseryeng ito.
Samantala, marami pa palang naka-line up na drama series na malapit na ring simulan ng GMA 7.
May ilang mga bagong mukha na Sparkle talents ang bibigyan ng break sa mga susunod na drama series na gagawin nila.
Kumukuha lang sila ng mga malalaking artistang major support sa bagong artistang magbibida.
Isa nga sa kinausap ay si Amy Austria na gusto na ring subukan ang lock-in taping.
Tinitingnan lang daw ni Amy ang script kung gusto niya ang role na gagampanan.