Monsour, hindi nawawalan ng pag-asa
Tuloy ang laban ng actor / athlete na si Monsour del Rosario sa senado.
In fact, kasunod ng pagkakatanggal kay Migz Zubiri sa opisyal na senatorial slate ng Leni-Kiko tandem, nananawagan ang mga tagasuporta nila sa social media channels na ipalit si Monsour sa nabakanteng ika-12 puwesto.
Si Monsour ay miyembro ng Partido Reporma, ngunit kamakailan ay napansin siya ng mga tagasuporta ni Leni-Kiko nang lantaran niyang ihayag ang pagsuporta kay Robredo.
Isang dating atleta ng taekwondo na sumabak sa 1989 Seoul Olympics at sikat na action star noong dekada ‘90, si Monsour ay naging konsehal na ng District 1 ng Makati ng dalawang termino. Naging kongresista rin siya mula 2016 hanggang 2019, kung saan gumawa pala siya ng 292 na panukalang batas at resolusyon, kabilang ang Telecommuting Act of 2018 o Work From Home Law.
Sakaling manalo, nangako si Monsour ng Healthcare Heroes Card Law para sa medical frontliners, ang Athlete’s Pension para sa mga atleta na nagdulot ng karangalan sa bansa, isang maayos na sistema ng edukasyon at pag-unlad para sa mga batang may different learning abilities, at iba pa.
“Nagpapasalamat ako sa mga netizens at supporters nina VP Robredo at Sen. Pangilinan sa kanilang pagtitiwala sa akin pero ang Leni-Kiko team lang ang makakapagdesisyon kung gusto nila akong isama sa kanilang official slate o hindi. Sa huli, ang mga botante ang magdedesisyon kung sino ang gusto nilang maging susunod na senador. Kaya naman narito rin ang ating 1Sambayan slate para mag-alok ng mga alternatibo. Kung pipiliin ng mga tao na iboto ako, lubos akong magpapasalamat at susuklian ko ang kanilang mga boto ng 101% na tunay na serbisyo, tulad ng ginawa ko noong nasa Kongreso ako,” ayon kay Monsour sa isang press statement.
Wish ng mga taga-showbiz na maging maganda ang kapalaran ni Monsour dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi visible ang kanyang pangalan sa mga lumalabas na Top 12 sa mga survey.
- Latest