Ngayong Lunes ng hapon na mag-uumpisang mapanood ang Raising Mamay.
Drama tungkol sa isang ina na naging anak at isang anak na naging ina ang kuwento ng serye na pinagbibidahan nina AiAi delas Alas at Shayne Sava.
“Bukod sa napakaganda nung istorya, first time kong magigiging bata na nanay sa isang teleserye and siyempre thankful ako kasi blessing ‘to eh dapat hindi tayo tumatanggi sa blessing… Nakakaiyak siya, pero at the same time, matatawa ka rin because of the honesty nung bata, ‘yung inosente ba, sa mga pinagsasasabi niya, doon papasok ‘yung nakakatawa. Oo, heartwarming siya and drama talaga siya pero may nakakatawa ring instances,” banggit ni AiAi sa ginanap na virtual media conference last week.
Gaganap na daughter na si Abigail, ang StarStruck Season 7 Ultimate Female Survivor and GMA’s newest Afternoon Prime Drama Princess Shayne Sava, na handa na sa isa sa kanyang pinakamalaking role na gagampanan.
“Sobra po talaga akong blessed and grateful po na sa akin po napunta ‘yung role ni Abigail kasi sobrang ganda po nung story and nung role niya. Nagpapasalamat po talaga ako sa GMA kasi binigyan po nila ako ng opportunity and trust po and naniniwala po sila sa kakayahan ko,” aniya.
Close bilang mag-ina sina Mamay Letty at Abigail, pero nang madiskubre ni Letty ang isang lihim na hindi sa kanya sinabi ng kanyang asawa, nag-umpisang magbago ang lahat.
Biglang nag-iba ang tingin niya kay Abigail. Ang kanilang sitwasyon ay nagsimulang maging mas mahirap nang si Letty ay dumanas ng isang traumatic brain injury na humantong sa kanyang pagbabalik sa murang edad.
At doon nabago ang kanilang mga papel, nabaliktad, ang ina ang naging anak na ang mental capacity ay tulad sa isang seven-year-old child at ang anak ang naging ina.
Mas maraming sikreto ng pamilya ang nabubunyag, at biglang nagtatanong na si Abigail kung saan dapat tumayo ang kanyang katapatan.
Kasama niya sa Raising Mamay sina Valerie Concepcion, Gary Estrada, Antonio Aquitania, Ina Feleo, Joyce Ching, Abdul Raman, Tart Carlos, Raquel Pareño at marami pang iba.