Matteo, ‘di na-damage control ang epekto sa inilihim nilang kasal sa mga magulang ni Sarah!

Matteo.

Pinag-uusapan nila, uy si Matteo Guidecelli lumabas na sa Kapuso network, eh bakit naman hindi, kahit na nga ang ABS-CBN mismo ibinigay na ang TV rights ng kanilang mga pelikula sa GMA. Isa pa, ano ba naman ang nagawang significant role ni Matteo pagkatapos ng kanilang serye noong Bagani?
Lumutang siya sa nasabing serye. Hindi ba noon nga napuna na mas malakas pa ang dating niya kaysa sa bidang si Enrique Gil? Pero pagkatapos noon wala nang malaking assignment na lumutang siya, nasundan pa ng pag-aasawa na nagkaroon ng negative effect dahil sa controversy ng biyenan niya. Nakaapekto iyon sa image ni Matteo, lalo na ang kontrobersiyal na panana­pak niya sa driver ni Sarah Geronimo, na ang kasalanan lang naman ay ipinaalam sa mga magulang noon ang kanilang inililihim na kasal. Na talaga namang mali dahil bakit mo ililihim sa magulang ng asawa mo ang pagpapakasal ninyo. Hindi iyan na-damage control, at hanggang sa ngayon may epekto iyan sa kanyang career.

Rogelio dela Rosa, kauna-unahan sanang artistang Pangulo ng Pilipinas

Ang unang artista na dapat ay naging Pangulo ng Pilipinas ay hindi si Erap, kundi si Ambassador Rogelio dela Rosa. Mula sa pagi­ging isang senador, tumakbo bilang independent candidate si Rogelio dela Rosa noong 1961 elections. Hindi pa uso ang dayaan noon. Ni wala sa hinagap ng mga Pilipino na magkakaroon ng “dagdag-bawas” o magkakaroon ng “machine magic.” Disente pa ang mga pulitiko noon.
Ang paniwala ng mga observer ay hindi matatalo ng kanyang mga kalaban si Rogelio dela Rosa. Sa hula nila, siya rin ang magiging kauna-unahang kandidatong indipendyente na magiging presidente dahil simula pa noong una, nagpapalitan lamang ang mga kandidato ng Liberal at Nacionalista sa panguluhan. Kasi nga ang dalawang partido lamang ang may makinaryang political, ibig sabihin mga kandidato sa local level.
Ang kalaban noon ni Rogelio dela Rosa ay sina Carlos Garcia, na siyang kasalukuyang pangulo. Dati siyang vice president at naging pangulo noong mamatay sa plane crash si Ramon Magsaysay. Tapos nanalo siya sa kasunod na eleksiyon at tumatakbo sana para sa kanyang ikalawang full term. Ang kandidato naman ng Liberal ay isa ring dating Senador, si Diosdado Macapagal.

Pero nagkaroon ng problema. Napag-usapan na sina Rogelio dela Rosa at Diosdado Macapagal ay parehong taga-Lubao, Pampanga. At hindi lamang mahahati ang boto ng kanilang kababayan, magba­yaw rin sila dahil ang unang asawa ni Macapagal ay si Purita Lim dela Rosa, na kapatid ni Ambassador Rogelio.

Nanlumo ang mga Pilipino nang umatras si Dela Rosa, pero ano nga ba ang kanilang magagawa kung gusto niyang pagbigyan ang kanyang bayaw?
Nanalo si Macapagal. At si Ambassador Rogelio nga ay napunta sa foreign service bilang isang embahador hanggang sa siya ay mag-retire na.

Si Ambassador Rogelio ang unang artista na dapat maging presidente, ang unang leading candidate na umatras sa eleksiyon, at unang artistang naging embahador. Iyong iba namang artistang nalagay sa diplomatic service gaya nina Amado Cortez, Boots Anson Rodrigo at iba pa ay hanggang ranggo lamang ng consul ang inabot. Ayan ha, hindi lang iyan showbiz at pulitika. Bahagi iyan ng kasaysayan na dapat malaman ng mga Pilipino. Baka kasi matanong sa TV shows at may sumagot na naman ng “MaJoHa.”

Kylie, may ibang version…

Maganda naman ang naging statement ni Jake Cuenca tungkol sa split nila ni Kylie Verzosa. Sinabi niyang naging maganda ang pagsasama nilang tumagal ng tatlong taon din. Hindi sila nagkaroon ng malaking away, at dumating lang ang panahon na kapwa nila naisip na hindi na maganda ang itinatakbo ng relasyon para sa kanilang dalawa. Kaya nag-split man, nananatili silang magkaibigan, at kung magkaroon daw ng problema, maaari pa rin siyang lapitan ni Kylie.
May ibang bersyon naman ng kuwento na nagsasabing si Kylie ang mismong nakipag-split kay Jake. Pero wala naman silang masabing dahilan ng hiwalayan.
Tanggapin na lang natin na nagkasundo silang wakasan na ang kanilang relasyon, bahagi iyon ng kanilang pribadong buhay at hindi na natin dapat pakialaman.

Show comments