Nawindang ang staff na nakatambay sa dressing room ng isang daily show dahil doon niya nakita kung gaano kaplastik ang ilang artistang matagal nang magkakaibigan sa showbiz.
Ang ilan sa mga babaeng artistang nakatambay doon sa dressing room ay nasa 80s pa, at nang magkita-kita sila roon, ang saya-saya nila, na sobrang miss nila ang isa’t isa.
Pero nang lumabas ang isang aktres na halos kasabayan din nila, narinig ni staff ang bulungan ng naiwang artista na tila pinag-uusapan daw ang lumabas na aktres.
Hindi lang daw niya maulinigan ang mga sinasabi ng ibang nagsasalita, pero tila inookray raw nila ‘yung lumabas na aktres.
Doon lang daw niya napagtanto na talagang may kaplastikang taglay raw itong mga artistang kasabayan nung isang aktres na mas maganda sa kanila.
Ayaw rin sabihin ng aming source kung sinu-sino sila, dahil inaalam pa raw niya kung anong pang-ookray ang sinasabi nila sa kasabayan nilang aktres.
Ang sure lang daw siya, ang paplastik ng mga ito, dahil nung pumasok uli si aktres na inookray nila, super tsika na naman sila na ang dating ay super close sila sa isa’t isa.
Direk Joel, wish gumawa ng matinong pelikula
Excited si direk Joel Lamangan kapag nakakatrabaho niya ang mga artistang nakatrabaho niya noon.
Karamihan kasi sa mga pelikulang dinidirek ngayon ni direk Joel Lamangan ay mga bagong mukha kagaya ni Sean de Guzman na bida sa ginagawa niyang pelikula ngayon na Fall Guy.
Nagsu-shooting na sila ngayon at ilan sa mga datihang artista na kasali rito ay sina Shamaine Buencamino, Tina Paner at Glydel Mercado.
Natuwa si direk Joel dahil muli niyang nakatrabaho si Glydel na idinirek niya noon sa pelikulang Sidhi kung naka-grand slam si Glydel sa Best Supporting Actress. “Masaya ako na nandiyan si Glydel. Magaling ‘yan e. Gusto ko siyang katrabaho uli,” pakli ni direk Joel nang nakatsikahan namin sa story conference ng Fall Guy.
Na-mention niya rin si Amy Austria na gusto raw sana niyang idirek uli sa isang magandang pelikula.
May ilan pa siyang magagaling na artista na gusto raw niyang makatrabaho uli sa isang pelikula. “Si Gina (Alajar), kasi naging artista ko siya noon. Si Ate Vi (Vilma Santos), gusto ko rin. May project kaming kinu-conceive for her e. Pero hindi ko pa muna puwedeng sabihin,” dagdag niyang pahayag.
“Gusto ko rin si Sharon. Wala lang akong material na babagay kay Sharon. Even Dawn! Gusto ko rin si Dawn Zulueta. Kahit si Richard Gomez gusto ko rin. Si Boyet (Christopher de Leon).
“Nakakahiya lang na kunin mo sila na wala naman masyadong role.
“Matagal ko na rin hindi nakakatrabaho si Tirso (Cruz III),” saad ni direk Joel na gustung-gusto nang makagawa ulit ng tipo ng mga pelikulang ginagawa niya noon. “E kasi ang ibang producer ngayon, ayaw nilang kumuha ng malaking artista, e malaki rin ang budget,” pakli ng award-winning director na alam naman niyang mahirap magsugal ngayon sa mga big-budgetted films.
Sana nga darating ang araw na talagang namumuhunan nang malaki ang producers para makagawa lang ng isang malaki at matinong pelikula.
Matteo, enjoy sa buhay-farm
Mapapanood sa Farm to Table ng GTV sa darating na Linggo hosted by Chef JR Royol si Matteo Guidicelli.
Mukhang nai-enjoy talaga ni Matteo ang buhay farm, kaya nga siguro bumili sila ng asawa niyang si Sarah Geronimo ng bundok sa Paete, Laguna.
Pero hindi sa farm ni Matteo nag-shoot ang Farm to Table kundi sa Pestano Farm sa Antipolo, Rizal na kung saan ay sinubukan nila ang iba’t ibang activities doon.
Ibabahagi nina Chef JR at Matteo ang inspiring stories nila at masasarap na recipes, kagaya ng pag-brew ng locally produced Cacao Tea.
Maghahanda rin sila ng steak and eggs na pam-breakfast, Fish in Lemon Butter Sauce with Thai Mango Salad on the side, at Lemon and Lime Marmalade served with Herb bread.
Nakakatakam isipin, lalo na’t sasabayan ito ng mga kuwentuhan nila sa buhay, sa pamilya at ibabahagi rin ni Matteo kung paano niya nagustuhan ang farm life.