'Dapat tinext na lang, shame!': Celebs bumanat vs press con nina Domagoso, Lacson, Gonzales

Kuha sa aktor at aktres na sina Leo Martinez at Alessandra de Rossi
Mula sa Twitter account ni @guingonabart; Instagram account ni Alessandra de Rossi

MANILA, Philippines — Hindi napigilan ng ilang showbiz personalities magsalita laban sa joint press conference ng tatlong presidential candidates na bumibira at nagpapaatras sa kapwa kandidatong si Bise Presidente Leni Robredo — bagay na "kahiya-hiya" raw at "aksaya sa oras."

Linggo kasi nang sabihin ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na dapat mag-withdraw na lang sa presidential race si VP Leni. Dumalo sa parehong joint forum sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at Sen. Panfilo Lacson, na parehong kinastigo ang kampo ni Robredo dahil sa "pagpapa-withdraw" sa kanila — kahit pinabulaanan na ito.

"Gusto ko lang pong magkomentaryo doon sa nabalitaan ko kanina. Itong mga lalaking ito raw eh pinawi-withdraw ang babae. Aba, mali iyan," ayon sa aktor na si Leo Martinez sa Twitter, na sinabi ito habang nasa kanyang Congressman Manhik Manaog character.

"Sa tunay na buhay, ang mga lalaki ang nagwi-withdraw... Pwera na lang kung itong mga lalaking ito ay kagaya ko rin la-ang, takot sa mga babae. Ashame! Ashame!"

 

 

Sa naturang press conference, pare-parehong sinabi nina Domagoso, Lacson at Gonzales na hindi sila aatras sa kanilang pagtakbo sa pagkapangulo.

Una nang inakala nang maraming aatras sila sa pagkandidato pabor sa ibang presidential candidate dahil humarap sa media nang sabay-sabay sa isang five star hotel sa Peninsula Manila. Kaso, wala naman palang magbabago sa kanilang status bilang kandidato.

"Dapat tinext mo nalang," wika naman ng aktres na si Alessandra de Rossi sa kanyang social media account kahapon.

 

 

'Hindi namin siya pinawi-withdraw, huh'

Inilayo naman ni Lacson ang sarili sa mga akusasyong pinaaatras niya rin si Robredo, at iginiit na panawagan lang ito ni Domagoso.

"We want to clarify, kaming dalawa ni Senate President [Vicente Sotto III], kami [ng running mate ko], we're not asking anybody to withdraw," paliwanag ni Ping.

Una nang naiulat na dadalo ang presidential candidate na si Sen. Manny Pacquiao sa parehong press conference ngunit hindi naman nakapunta. 

Kapansin-pansing nakalagay ang pangalan ni Pacquiao sa joint statement nina Domagoso, Lacson at Gonzales, ngunit walang lagda.

"Manny Pacquiao never intended to attend a meeting like that which is bordering on irresponsibility. Alam niyo ang totoo niyan, 'yang meeting na 'yan naisip para magkaisa lahat para mapigil ang rumaragasang Marcos victory," paliwanag naman ni VP candidate ni Pacquiao na si Rep. Lito Atienza.

"Bakit napunta kay Leni [ang usapan]? Bakit napunta roon sa mga participants? ... Kaya sabi niya [Manny], 'Buti na lang hindi ako um-attend parang may nagbulong sa akin na huwag kang um-attend diyan. Puro kalokohan lang mangyayari diyan.'"

 

 

— James Relativo at may mga ulat mula sa ONE News

Show comments