Nagpahayag ng kalungkutan ang PBB host is si Robi Domingo sa viral pa ring sagot ng kanilang housemates na ang tatlong paring martir ay kilala sa tawag na MaJoHa. Isipin mo nga naman, na ang tatlong paring Pilipinong iyan ay pinatay sa pamamagitan ng garrote sa Luneta dahil lamang sa isang bintang.
Bilang pagbabalik tanaw lang sa kasaysayan, maski na ang arsobispo noon ng Maynila, si Obispo Gregorio Meliton Martinez ay hindi naniwala na sila ay sangkot sa rebolusyon at hindi sila inalis sa pagkapari, kaya sila ay namatay na nakasuot ng kanilang abito. Iniutos din ng arsobispo na patunugin ang lahat ng kampana sa mga simbahan bilang parangal sa tatlong martir. Pagkatapos na patayin, sila ay inilibing nang sama-sama sa isang libingang hindi man lang nilagyan ng tanda sa sementeryo ng Paco. Nakakagulat na ang kanilang mga labi ay nakuha lamang noong 1998 ng mga kagawad ng City Engineer ng Maynila.
Sa kabila ng mga tala ng kasaysayan, mayroon pa palang mga taong hindi nakakaalam ng kanilang kuwento na tinawag silang MaJoHa.
Mabilis ang mga marites sa pagsasabing dapat daw inaalam din at sinisiguro ng ABS-CBN na ang mga kinukuha nila sa PBB ay “may utak din.”
O baka naman hinayaan nilang mapanood pa ng publiko iyong MaJoHa para may mapag-usapan at may mapagtawanan. Viral nga naman ang PBB na nasa ibang platform na ngayon.
Habang panahon iyan, nakalabas na sila sa PBB, baka matanda na iyong Gabb at Kai, tinutukso pa rin sila ng mga kakilala nila dahil hindi nila alam ang tatlong martir na pari.
Ang nakita sa show ay ang kawalang kaalaman, at hindi pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa.
Isabel, nilantad na si John Lloyd!
May inilabas ang painter na si Isabel Santos, na apo ni Malang, sa kanyang social media account na picture ni John Lloyd Cruz, na may hawak pang isang aso. Hindi kay John Lloyd ang asong iyon sabi ng sources na malapit sa actor kundi aso raw ni Isabel.
Para mahawakan ni John Lloyd nang ganoon ang aso, kilala na rin siya nito.
Madalas nga siguro siya sa bahay nina Isabel.
Wala namang masama kung may relasyon sila. Isang disenteng babae si Isabel at galing sa isang mabuting pamilya. Hindi naman siya isang babaeng nagpasalin-salin na sa kung sinu-sinong lalaki.
Dapat pa nga sigurong ipagmalaki ni John Lloyd kung may syota siyang artist na nanalo na ang maraming obra at apo pa ng isang national artist.
Rico, gustong gawing Santo?!
Paulit-ulit si Salve, “wala tayong advance. Early deadline lang.” Mahirap talagang mag-advance dahil minsan may biglang puputok na malaking balita.
Naalala nga namin, Biyernes Santo noon, nang bigla kaming kalampagin ng sunud-sunod na tawag sa telepono ng aming editors dahil natagpuang patay ang sikat na matinee idol na si Rico Yan sa isang resort sa Palawan. Binangungot daw. Ang kasunod noon ay ang maraming follow-up na kailangang gawin, hanggang sa madala sa Maynila ang kanyang bangkay at malaman ang resulta ng autopsy. Tapos kasunod na ang pagluluksa ng kanyang pamilya at fans.
Natawa kami, may isa pang paring nagsabi noon, mabait na tao raw si Rico at dapat ay gawing isang santo. Hindi namin pinatulan ang sinabi ng paring iyon.