Mommy nagsalita... Jake Zyrus, pr lang ang pakikiramay sa namatay na lola at tiyuhin?!
Masamang-masama ang loob ng ina ni Jake Zyrus na si Mommy Raquel Pempengco nang magpa-interview ito sa programa ni Morly Alinio sa DZRH nung Sabado ng gabi.
Nagtataka raw siya bakit naglabas ng statement ang manager ng kanyang anak na nakipag-ugnayan sa miyembro ng pamilya para magpaabot ng tulong.
Wala naman daw nakakarating at kinakausap sa kanila. “’Yun lang po ang hinanakit ko po na naglabas sila nag-reach out sa amin.
“Kaya tinanong ko po ‘yung kapatid kong babae, kung nag-reach out sa kanya ang kampo ni Charice, si Jake. Sabi niya, wala ate, walang nag-ano sa akin,” sabi pa ni Mommy Raquel.
Okay na raw sa kanya kung hindi magbibigay ng tulong si Jake, sana magpakita man lang daw dahil sa ganitong sitwasyon ng kanilang pagluluksa, mas mabuting magkakasama raw silang pamilya.
Pahayag ni Mommy Raquel: “Alam ko pong nagluluksa siya, pare-pareho kaming nagluluksa. Pero sa panahon po ngayon, dapat po magsama-sama ang pamilya po?
“Hinintay lang po namin. Kung ayaw naman po niyang tumulong, magparamdam lang na kahit na ‘Mommy o Carl, o Tita Neneng, nakikiramay ako, malayo ako rito, or else iparamdam man lang sa kanyang management o iparating sa kanila na malayo ako, hindi ako makarating. Naintindihan na lang po namin ‘yun.
“Hindi po ako nagtatanim ng galit. Kilala naman po ako ni Charice o ni Jake.
“Sobrang sakit po. Kasi ang dapat na sasandalan ko ngayon ‘yung anak ko, pero wala siya. Hindi dahil sa pera, kundi sa nandiyan siya. Pero dahil dun… ‘yun po ang ikinasasama ng loob ko na naglabas sila na nagsasabing nagri-reach out sila, hindi naman.
“Sana po, kung alam nilang namimighati ang pamilya nila, huwag nang mag-ano ng ganyan ganyan na salita.”
Mabuti at marami naman daw sa mga kaibigan nila, at ilang miyembro ng pamilya na nagtulung-tulong para sa burol at sa cremation ng kanyang ina at kapatid. “So far po nagbibilang na kami kanina, ang lahat lahat po na babayaran ko nasa 86K.
“Nagbilang po ako, sabi ko, kulang po ako ng sampung libo. Okay lang, kakayanin ko na yan. Imi-message ko na lang ‘yung iba kong mga kaibigan.
“Pero sabi ko po, kaya ko po ‘yun. Kakayanin ko po. Sinasabi naman po ng iba na ‘pag kailangan ka pa, tumawag ka lang. Kaya ko po to,” dagdag niyang pahayag.
As of presstime, wala pa kaming balita kung nakapunta na roon si Jake.
Dahil ipina-move pa nila ang schedule ng cremation dahil sa umaasa silang magpapakita pa sa kanila si Jake.
Nagpasalamat na lang si Mommy Raquel sa lahat na nakaalala at nagpaabot ng tulong sa kanila.
Dingdong, Lunes hanggang Linggo na mapapanood
Mukhang sure nang mai-extend ng isa pang season ang Family Feud dahil sa magandang feedback at consistent na mataas ang rating.
Ngayong linggo raw ay ia-announce sa kanila kung magkaka-second season sila.
Puwede naman talagang magtagal pa ito dahil pataas nang pataas ang rating. Umabot ng 9.6 percent nung nakaraang Martes, April 5, na kung saan naglaro sina Herlene Budol at ang pamilya nito sa pamilya naman ni Kiray Celis.
Kaya hataw ang GMA Primetime King.
Nadagdag pa rito ang gagawin niyang sitcom na kung saan ay makakasama niya ang asawang si Marian Rivera. Co-production ito ng Agosto Dos ni Dingdong, at ng APT Entertainment.
Jose and Maria’s Bonggang Villa ang title ng naturang sitcom na nag-story conference nung nakaraang linggo. “Super excited ako na makasama ko si Dong kasi nakikita ko sa bahay, sabi niya nakakatawa ba ako? Kung paano niya i-deliver ‘yung mga nakakatawa niya na parang walang timing, dun ako natatawa. Ang galing galing niya para sa akin. So bentang-benta siya sa akin,” masayang tsika ni Marian sa nakaraang grand launch ng Blancare na lotion ng Kamiseta Skin na bago niyang ini-endorse.
Saturday raw ang timeslot nitong bagong sitcom kaya mula Lunes hanggang Linggo na mapapanood si Dingdong.
- Latest