Mga Lalakeng Artista, mas paboritong hubaran

Pumalag na ang Sparkle, ang talent arm ng GMA 7 sa kumakalat sa social media na mahahalay na pictures ni Alden Richards. Kinondena rin nila ang mga mahahalay na comments doon, at sinabing maaaring gumawa sila ng aksiyong legal laban sa gumagawa noon, nagse-share o nagpapakalat pa ng pictures.

Iyan ang masakit sa social media ngayon. Nakakalat hindi lang fake news, pati fake pictures. Inamin naman nila na iyon ay pictures ni Alden mismo, pero electronically manipulated at pinalabas na nakasuot siya ng underwear lamang.

Mga mahigit isang buwan na rin naming nakikita iyan sa social media, mukhang napagpasa-pasahan na ng marami. Delayed ang kanilang reaksiyon pero at least kumilos sila.

Iyang mga nag-eedit ng pictures na gamit ang computer programs, kalat na ‘yan at hindi na bago. Marami na rin silang pictures ng mga artista na na-manipulate. Kaya nga kung iisipin mo, mas may proteksiyon ang mga tao noong araw na ang ginagamit pa ay film. Simula nang mauso ang digital imaging, marami nang milagro.

Hindi lang pictures, minsan guma­gawa pa sila ng mahalay na video.

May kumalat na rin noong isang mahalay na video ng isang sikat na matinee idol, na alam mo namang digital imaging lang.

Sa ngayon marami na talaga silang nagagawang ganyan na wala namang layunin kundi manalbahe.

Wala namang bibili sa kanila noon dahil alam na edited lang iyan. Hindi naman nila makukunan ng ganoong pictures si Alden. Talagang ginagawa lang nilang katuwaan na nakakasira naman sa image ng artista.

Dito sa atin, alam na fake pic iyan, eh sa abroad? Maaaring masira si Alden sa mga gustong kumuha sa kanya. At iyong mga mahahalay na comments, iyon ang mas matindi pa.

Siguro nga kailangan may masampolan sa mga gumagawa ng ganyan, pero papaano puro naman “alter” accounts ang naglalabas niyan? Madali kasing gumawa ng alter account lalo na sa social media platform kung saan nila napapalusot ang fake news at fake pic na mga ganyan.

Hindi rin naman namin malaman kung bakit kung minsan pati iyong personal na pagkakamali ng mga artista ay napagpapasa-pasahan sa internet. Kailangan mayari na ang mga gumagawa nang ganyan.

Iyang mga bagay na iyan ay hindi makakalusot sa lehitimong media. Sa lehitimong media kasi, maliwanag kung saan nanggagaling ang lahat ng news material. Lahat lehitimo, at dahil lehitimong media nga at may pananagutan sa publiko, tiyak na mahaharap sila sa demanda kung may gagawin silang katulad niya. Eh sa social media, na hindi mo nga alam kung sino talaga at kung anu-ano pinagsasasabi, papaano mo silang basta maipapahuli?

Actually hindi lang si Alden ang biktima ng ganyan. Halos kasabay ng fake pic ni Alden may lumabas ding pictures nina Richard Gutierrez, Daniel Padilla, Derrick Monasterio, James Reid, at marami pang iba. Mukhang iisa ang gumawa, dahil isang account lamang ang nagkalat noon, pero marami na ang nag-share.

Hindi na kailangang pagtalunan, ang guma­gawa ng mga iyan ay bakla, dahil puro lalaki lang naman ang hinuhubaran nila. Walang babaeng biktima ng ganyan sa ngayon.

Mayroon pa, iyong mga mahahalay na sex videos. Hindi namin alam kung saan nila nakukuha, at kung papaano nilang nakukuha ang mga mahahalay na videos na iyon. May kuwento na may isang scammer daw na nagsasabing magbabayad siya ng P5K kaya nakukumbinsi niya ang iba na gumawa ng sex video.

Ang mga artista naman, aywan kung papaano nila nabobola.

Minsan may kumalat pa ngang mahalay na video ng anak ng isang mayor. Hindi namin alam kung papaanong iyon ay naging biktima rin nila, pero obvious na ang gumagawa ng lahat ng iyan ay mga bakla.

Sa itinagal-tagal na naming gumagamit ng social media, minsan lang kami may nakitang video ng isang artistang babae na may kahalayan. Pero mga artistang lalaki, napakarami talaga.

Isa sa pinakamatindi ay ang isang artistang lalaking nakipag-video sex sa loob ng kanyang kotse, na napakatagal ding pinag-usapan.

Show comments