Bagama’t unti-unti ay nagbubukas na nga ang mga sinehan, napansin namin sa isang mall na mas marami silang sinehan na ginagawa na ngayong mga tindahan. Ang na-retain na lang ay apat na maliliit na sinehan, at dalawang malaki. Kung oobserbahan, mukha ngang sinasabi nilang mawawala na ang sine.
Mapapansin din na maski na ang US ay matamlay pa ngayon sa pelikula, kaya ang palabas na mga pelikulang Ingles ay kung ilang buwan nang hindi napapalitan.
Ang Hollywood mismo, matagal nang wala kaya nga natatawa kami doon sa mga artista nating kung magsalita ay mayroon silang Hollywood movies.
Ang marami sa kanila, iyong off-Hollywood films na ginagawa ng independent producers, hindi na ng mga malalaking kumpanya sa Hollywood. Ang malaking kita na lamang ng Hollywood sa ngayon ay ang mga ginawa nilang mga klasikong pelikula na inilalabas pa rin sa video at sa mga cable channel.
Parang dito sa atin, ilang buwan na bang maluwag ang protocols, pero wala pa ring gumagawa ng mga totoong pelikula. Mukhang kuntento na sila sa kinikita sa mga low budget sex film na inilalabas sa internet. Una wala silang iniilagang mahigpit na classification ng MTRCB. Ikalawa, mababa ang tax ng inilalabas sa internet lang, at depende pa rin sa idedeklara nilang kita, dahil papaano ba malalaman ng gobyerno ang kita nila.
Ang ipit ay iyong mga lehitimong artista dahil hindi naman gagawa ng mga hubaran sa internet.
Hindi rin naman sila le-level doon sa mga baguhang ang talent lang ay maghubad. Ang mga lehitimong artista, napupunta na lang sa telebisyon, pero dadalawa na ang pagpipilian, GMA 7 at TV5 na more on news naman. Ang ABS-CBN ay program content producer na lang sila para sa ibang channels.
Ang GMA, may film company rin pero hindi rin nagpo-produce ng pelikula, kaya nasasayang ang mga artista.
Isang magandang example, si Sanya Lopez, sa lakas ng following niya sa TV, puwede na siyang pakawalan sa pelikula.
Ganoon din ang ABS-CBN, dahil sarado nga, hindi rin kumikilos ang kanilang film production. Isipin ninyo, nasa kanila ang top box office star, si Kathryn Bernardo. Iyong baguhan na malakas ang batak at posibleng maging top matinee idol, si Joshua Garcia, nasa kanila rin, at ang mga ganyang artista ang nasasayang kung nababalo lang sila sa TV at hindi nasusubukan sa pelikula.
Kailan nga kaya makakabalik sa normal ang lahat? O babalik pa ba?
Matapos sumikat sa Indonesia, Teejay pang-support na lang
Isa pang sinasabi ng marami na nakakahinayang ay si Teejay Marquez. Noon hindi nila pinapansin ‘yan, aba biglang sumikat nang mapunta sa Indonesia. Nakagawa siya roon ng mga serye sa telebisyon, pelikula at endorsements. Noong dapat siyang bumalik sa Indonesia dahil sa mga project na naghihintay sa kanya, nakulong naman siya sa Pilipinas ng pandemic.
Pero dito naman ok na sana ang career niya. Gumawa siya ng isang seryeng boys’ love kasama si Jerome Ponce, na mataas naman ang audience. Kaso may mga ginawa siyang pelikula na natapos, pero naipit din at hindi pa nailalabas kahit na sa internet.
Ngayon naman may serye siya sa telebisyon na ginawa siyang support at madalang ang mga eksena. Aywan kung bakit, pero hindi nila ginamit ang potentials ni Teejay para bumatak ng audience.
Nakakahinayang ang mga ganyang artista. Magaling, may hitsura, pero hindi nabibigyan ng tamang break.
Female star, ‘di makalimutan ang dating mister na babaero
Hanggang ngayon pala ay umiinit pa ang ulo ng isang female star sa tuwing mababanggit ang dati niyang asawa, lalo na kung nababanggit pa ang pagkakaroon ng ex ng anak sa ibang babae. Kahit na may karelasyon na rin ang female star na iba, hindi niya makalimutan ang dati niyang mister na naging ilusyon naman kasi niya simula sa kanyang pagkabata.
Iyon namang mister, mukhang wala nang pakialam sa dati niyang misis, dahil ang kanya namang kinakasama ngayon ay mas bata at mas maganda, bukod pa nga sa katotohanang may anak na rin sila. May maliit naman silang negosyo na sinasabing ayos naman ang kita para mai-maintain ang kanilang kabuhayan.
Para kasi kay mister, ang mahalaga ay masaya siya kaysa sa maraming pera.
Tama, hindi lang naman pera lang ang nagpapasaya sa buhay.