'Sana hindi ito cancer': Willie Revillame nakitaan ng malalaking polyps

Kuha sa aktor at host na si Willie Revillame, ika-24 ng Marso, 2022
Video grab mula sa Youtube channel ng 'Wowowin'

MANILA, Philippines — Humingi ng panalangin ang komedyante't host na si Willie Revillame sa kanyang mga tagahanga matapos makitaan ng mga polyps sa kanyang tiyan at colon, bagay na pinaghihinalaang "cancerous" ng mga doktor.

Huwebes nang ianunsyo niya ang update sa kanyang kalusugan sa kanyang Youtube show na "Wowowin" na sumailalim siya sa isang executive check-up matapos ang dalawang taon. 

"Meron akong stapler kaya 'di ako makasayaw at makakanta. Nagkaroon ako ng colonoscopy, endoscopy, sa heart, lahat," ayon sa aktor, na kaaalis lang sa GMA nitong Pebrero.

"Merong nakita polyps sa'kin, isa sa colon at isa sa stomach. Medyo malaki po, one centimeter ‘yung sa stomach at ito po ay — sana 'wag naman — pero prone ata po ito sa cancer."

"Hinihingi ko lang na sana ipagdasal niyo ako na hindi maging cancer ‘yon para tuloy-tuloy ako sa inyo."

 

 

Taong 2019 pa lang daw ay nakitaan na siya ng polyps — o 'yung mga tissue growths o bukol na tumutubo dahil sa abnormal na cell growth — ngunit itinuring itong "benign" o non-cancerous ng mga doktor niya noon.

"Sa Monday [ngayong araw] ko malalaman ito [resulta]. If ever ho nawala ako ng Monday, ibig sabihin noon na-confine na ako. Siguro for about two weeks to one month [mawawala ako sa ere]," dagdag pa niya.

"Ipagdasal niyo ako na sana naman ay hindi maging cancerous 'yung tinanggal sa akin na polyps. Monday pa kasi malalaman kasi ima-microscope pala 'yun... Tuesday [sabi ng doktor], 'Pwede ka na naming operahan.' Sana 'wag naman."

Kung nagkataon, posibleng mawala raw muna sa mata ng publiko si Kuya Wil ng dalawang linggo hanggang isang buwan. 

Posibleng putulin at tahiin ang kanyang tiyan kung lumabas na cancerous ang nakuhang polyps.

Pinayuhan naman niya ang lahat na alagaan ang kanilang kalusugan at agad na magpatingin sa mga espesyalista kahit na hindi nakararamdam ng kahit anong masakit. — James Relativo

Show comments