Tuloy pala ang laban ng aktor na si Monsour del Rosario sa pagka-senador sa Mayo sa ilalim ng Partido Reporma kahit nagbitiw sa kanila si Senator Ping Lacson na ‘di niya kinondena. Aniya isang mabuting tao ang senador na kumakandidatong pangulo bilang independent ngayon at naniniwala siya na marami pa itong magagawang mabuti para sa ating bansa.
Ngayon nga ay kay Bise Presidente Leni Robredo na sumusuporta si Monsour. Naniniwala raw siya na ang misyon upang baguhin at iangat ang bansa ay naaayon sa sariling kagustuhan para magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng ordinaryong Pilipino.
Hindi baguhan kumbaga sa pulitika ang actor.
From 2010 to 2016 ay naging councilor siya sa Makati at naging congressman from 2016 to 2019.
At nakapag-file siya ng mahigit 292 bills and resolutions, at siya pala ang author ng Telecommuting Act of 2018, na mas kilala sa Work From Home Law.
Kilala rin siyang taekwondo champion kung saan nakasama siya sa Philippine National Taekwondo Team in 1982 until 1989 kung saan siya naging team captain ng four years.
Kinatawan niya ang Pilipinas sa maraming international competition, kabilang ang 1988 Seoul Olympics, Southeast Asian Games, Asian Games, World Games, World Taekwondo Championships at Asian Taekwondo Championships.
Nakakuha siya ng gintong medalya sa 14th at 15th Southeast Asian Games, isang bronze medal sa 10th Asian Games, at umabot sa quarterfinal round noong 1988 Seoul Olympic Games. Kalaunan ay sumali siya sa Philippine Taekwondo Association bilang Secretary General nito at miyembro ng Philippine Olympic National Sports Association Martial Arts Council. — RR