Ana, pansamantalang nawalan ng paningin!
Nakaka-text ko ang abogado ni Ana Jalandoni na si Atty. Faye Singson, pagkatapos magpiyansa at nakalabas si Kit Thompson ng kulungan sa Tagaytay.
Sabi ni Atty. Singson, pinagpapahinga raw muna niya si Ana bago nila pag-usapan ang pagsasampa ng kaso, dahil talagang matindi raw ang tama ng aktres sa pambubugbog umano sa kanya ni Kit.
Aniya; “Una sa lahat ay kailangan magpagaling at magpalakas si Ana dahil napakahirap at sakit ng dinanas niya kay Kit.
“Hindi lang katawan niya ang masakit dahil sa mga tinamong pagmbubugbog kundi pati ang kanyang damdamin at isipan, tunay na inabuso ang kanyang dignidad bilang babae.
“Nakasampa na ang kasong VAWC sa piskalya, kaya sisiguraduhin naming na makamit ni Ana ang nararapat na hustisya.”
Hindi pa alam kung ano ang balak ni Kit, pero pursigido raw si Ana na ituloy ang pagsampa ng kaso laban sa nobyo. “Kasalukuyang ginagamot si Ana at sumailalim sa mga test dahil sa multiple contusions na tinamo niya sa halos lahat na bahagi ng katawan niya. She suffered serious physical trauma especially sa bahaging ulo niya.
“In fact, it would take more than a month para gumaling ang hemorrhage na natamo niya sa kanyang mga mata.
“She even suffered temporary loss of eyesight because of that.
“Hindi biro ang kanyang dinanas kaya siya ay nagpapahinga at nagpapagaling.
“She is bent in pursuing the case against Kit, para makamit niya ang hustisya. Hindi lang para sa kanyang sarili kundi para sa mga babaeng dumanas din ng ganitong trahedya sa kamay ng asawa o kinakasama,” sabi pa ni Atty. Singson.
Wala pang sagot si Ana kung tutuloy pa rin ba siya sa pagpapa-manage sa Cornerstone na siya ring manager ni Kit.
Ang latest na nabalitaan namin ay baka imu-move raw muna ang airing ng digital series sa YouTube channel ng Puregold na Ang Babae sa Likod ng Face Mask.
May iba pang pelikula si Kit sa Vivamax, at bahagi rin siya sa series ng Kapamilya channel na Flower of Evil.
Wala pa naman kaming nababalitaan kung ano ang plano sa kanya, pero apektado talaga ang kanyang career dahil sa isyung ito.
Jake, hindi pinigilan ng pamilya kay VP Leni
Hindi isyu sa pamilya Ejercito o Estrada ang pagsuporta ni Jake Ejercito sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo.
Ang daming natuwang netizens sa pagdalo ni Jake sa nakaraang rally ni VP Leni sa Pasig nung nakaraang Linggo, March 20.
Pinuri si Jake sa ‘di pagsunod sa kanyang pamilya na sumusuporta sa dating Sen. Bongbong Marcos.
Sinasabi naman ni Jake noon na nirespeto naman daw ng daddy niya, ang dating Pangulong Erap Estrada ang pagsuporta nito kay VP Leni.
Noon pa man ay gustung-gusto na raw niyang pumunta ng rally, pero iniisip din daw niya ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang ama na baka hindi nito magustuhan. At nitong Linggo ay pumunta na siya at bumati pa siya kay VP Leni na yumakap pa sa kanya.
Sabi naman ng dating Sen. Jinggoy Estrada, nirerespeto nila ang desisyong iyon ng kanyang kapatid. “My brother is old enough to decide what he wants to do,” pakli ni Jinggoy nang nakausap namin sa telepono nung nakaraang Lunes.
Nandiyan naman daw ang suporta sa kanya ni Jake sa pagtakbo nito sa Senado, pero sa totoo lang, hindi naman daw nila pinag-uusapan ang pulitika.
“If he thinks Leni is more qualified, that is his own opinion. He’s old enough to decide what is right and what is wrong. His sister, si Jerika is for Bongbong. So, quits lang,” napapangiti niyang pahayag.
Samantala, nagpapasalamat naman ang dating Sen. Jinggoy sa kanyang mga anak na todo ang suporta sa kanya.
Sinasabi naman sa amin ni Jolo noon na mas okay raw ngayon dahil walang ibang miyembro ng pamilya na tumatakbo, kaya naka-focus daw sila sa pagtulong sa kanilang ama.
- Latest