'Hindi na kaya magpaaral': Dagul hirap sa buhay matapos ang showbiz

Kuha sa aktor na si Dagul habang maluha-luha habang ini-interview
Video grab mula sa Youtube channel ni Ogie Diaz

MANILA, Philippines — Ibinahagi ng dating aktor na si Dagul, Romeo Pastrana sa totoong buhay, ang estado ng kanilang pamumuhay matapos mawala sa showbiz sa pagtatapos ng Kapamilya comedy program "Goin’ Bulilit" — aniya, puno na ito ng hamon, kasabay ng kahirapang maglakad.

"Talagang hindi ko na kaya magpa-aral. Naaawa ako sa anak ko. Nakakalungkot, hindi ko na kaya," wika ng maluha-luhang komedyante sa vlog ni Ogie Diaz na in-upload nitong Linggo.

"Kaya sabi ko bahala na kung anong mangyari basta ang ano ko lang huwag lang tamad-tamad kasi kapag tamad ka, talagang walang mangyayari sa buhay mo."

 

 

Kasalukuyang nagtratrabaho si Dagul bilang head of command center sa kanilang baranggay. Binubuhat na lang daw siya ng kanyang anak papuntang opisina tuwing may trabaho habang nagbabantay ng sari-sari store tuwing Sabado't Linggo.

Pagbabahagi niya pa, nakasakay na siya sa wheelchair dahil sa labis na paghina ng kanyang tuhod.

"May maliit kami na tindahan ako 'yung nagbabantay kasi nga si misis busy sa trabaho dito sa bahay kaya ako muna ang nagbabantay sa tindahan namin," sabi pa niya.

"Nalungkot lang ako, sa ano tulad ngayon, mga pangangailangan ng anak ko sa bahay namin. Kung paano ko ma-provide 'yung ano namin. Kaya sabi ko sige okay lang laban pa rin. Basta kumikilos ka lang."

Aminado ang aktor na naubos na sa ngayon ang kanyang mga naipon sa showbiz. Karamihan daw ng kanyang naipudar ay nagamit sa pagpapatayo ng kanilang bahay.

Sa kabila nito, nagpapasalamat siya kahit paano at wala na raw silang iisiping buwan-buwang renta. Kasalukuyang may apat na anak at dalawang apo ang aktor.

Hulyo 2020 lang nang ipetisyong ideklarang "persona non grata" si Dagul sa probinsya ng Ilocos Sur kasama ang mga kapwa komedyanteng sina Long Mejia at Gene Padilla matapos lumabag sa ilang COVID-19 protocols. Inaresto sila sa bayan ng Sto. Domingo kaugnay nito.

Pebrero 2010 nang iproklamang kagawad si Dagul sa Barangay San Jose sa Rodriguez, Rizal matapos makuha ang pinakamataas na boto para sa naturang posisyon.

Tumakbo ang kanilang television show na "Goin' Bulilit" mula 2005 hanggang 2019 kung saan naging regular siyang cast member. Siya lang ang nag-i-isang nakatatanda rito, ngunit "bulilit" pa rin dahil sa kondisyong dwarfism.

Naging bahagi rin siya ng "Ok Fine Whatever" noong 2003 at "Kool Ka Lang" mula 1998 hanggang 2002. — James Relativo

Show comments