Knowledge Channel, nagturo ng pag-aalaga sa kalikasan
Kaisa ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) sa pagtuturo ng kahalagahan sa pag-aalaga ng kalikasan sa mahigit 6,000 na mag-aaral sa proyektong Eco-Squad: Kilos Kabataan Para sa Kapaligiran (KKK) kasama ang Breeze at sa Department of Education (DepEd) Schools Division Office – Marikina.
Labing-pitong paaralan sa Marikina ang kasali sa KKK na layuning bigyan ng kaalaman ang kabataan sa importansya ng pag-aaruga sa kapaligiran sa pamamagitan ng mga film showing patungkol sa kalikasan, epekto ng polusyon, at pag-recycle.
Lumahok din ang mga estudyante sa Eco Planters contest, kung saan gagawa sila ng mga recyclable na taniman at doon nila palalaguin ang kanilang mga seedling at isusulat ang weekly progress nito sa kanilang Eco Diary. Tumulong din sa paggawa ng mga tanimang yari sa recyclable material ang resident art teacher ng Knowledge Channel na si Teacher Precious Gamboa.
Tatlong estudyante ang nagsipagwagi mula sa 17 finalists base sa tubo ng kanilang mga halaman, pagkamalikhain, at kabuuan ng kanilang Eco Diary.
Nakatanggap sila ng cash prize, mga laptop unit para sa kani-kanilang paaralan, at sari-sariling tablet.
Samantala, ang mga finalist ay nag-uwi rin ng tig-isang tablet na naglalaman ng video lessons ng Knowledge Channel na makatutulong sa kanilang online learning.
Nagpasalamat naman si KCFI president at executive director na si Rina Lopez-Bautista sa mga nakiisang magulang, guro, at estudyante sa kanilang adhikain na bigyang importansya ang pag-alaga sa kalikasan.
“Maraming salamat sa inyong kooperasyon sa pagtuturo sa mga bata ng importansya sa pag-aalaga kay Inang Kalikasan para mapanatiling ligtas at malinis ang ating kapaligiran. Patuloy natin silang gabayan na pahalagahan at pagyamanin ang ating mga likas yaman para sa susunod na henerasyon,” aniya.
- Latest