MANILA, Philippines — Nagsalita ang ilang banda't musikero gaya ng Parokya ni Edgar, Agsunta, IV of Spades at Zack Tabudlo matapos kumalat ang isang post tungkol sa UniTeam political rally sa Zamboanga kung saan diumano'y "tutugtog" sila — kahit hindi naman talaga.
Ito ang sinabi ng mga nabanggit, Biyernes, nang kumalat ang isang burado nang Facebook post kung saan sinabing magpe-perform daw sila sa Enriquez Memorial Complex (Grand Stand) sa ika-10 ng Abril.
Related Stories
"This is not true," paliwanag kanina ng bandang Parokya ni Edgar, na isa sa pinakasikat na Filipino alternative rock noong Dekada '90.
Ayon naman kay Blaster Silonga, gitarista ng IV of Spades, imposibleng mangyaring tutugtog sila sa naturang event.
Matatandaang taong 2020 pa noong mag-"indefinite hiatus" ang banda para gawin ang kanya-kanyang personal interests.
"Seryosong sagot. Kailanman hindi mangyayari ito, ngayon palang sinusunog kona ang tulay," wika ni Blaster, na siya ring nagpu-pursue ng solo music career.
Ayon naman sa bandang Agsunta, hindi totoong pupunta sila sa nasabing event bilang suporta kina presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Aniya, nasa bahay lang sila sa naturang petsa.
"(A)wit peyk news na nga lang di pa magandang picture ginamit sakin," pabirong tugon naman sa social media ni Zack Tabudlo, na sumikat sa kanta niyang "Binibini."
Maliban sa mga nabanggit sa itaas, tinukoy din bilang guests sina Cong TV at Team Payaman, Kamikazee, Philia at si Toni Gonzaga.
Matatandaang umalis si Toni ng "Pinoy Big Brother" matapos i-host ang proclamation rally ni Bongbong nitong Pebrero. Simula noon, lagi nang nakikitang nagpe-perform ang naturang singer-host-actress sa mga sortie ng anak ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.