‘Art Smart’ ng Knowledge Channel, may anniversary treat sa mga bata

Nagsagawa kamakailan ng espesyal na art workshop ang Art Smart ng Knowledge Channel sa mga bata bilang pagdiriwang sa kauna-unahang anibersaryo ng programang layong magturo ng arts and crafts sa mga estudyante nang libre online.

Sa unang pagkakataon, nakasama ng host nitong si Teacher Precious Gamboa ang mga bata sa Zoom para makapagturo ng art lessons sa anniversary special ng programa.

Aniya, mas damang-dama niya ang saya at mas nagiging personal ang kanyang pagtuturo kapag nakakasama niya mismo ang kanyang mga estud­yante.

Sa kabila ng mga hamong idinulot ng pandemya sa pag-aaral ng mga bata, hindi ito naging hadlang para kay Teacher Precious na makapagturo pa sa mas nakararaming estudyante at matulungan sila sa pagiging malikhain dahil napapanood ang Art Smart online sa Facebook page ng Knowledge Channel at SeenZone Channel ng Kumu.

Ika pa ni Teacher Precious, importante ang arts and crafts sa kabataan, pati sa mga matatanda, bilang uri ng self-expression at maipadama ang kanilang mga nararamdaman sa kasagsagan ng pandemya.

Sa tema nitong My Art Smart Journey, isa sa naging highlight ng programa ang paggawa ng kani-kanilang 3D gallery. Gamit ang mga pangkulay at ilang colored paper, sabay-sabay ginawa ng mga bata ang kanilang mini art project tampok ang mga paborito nilang likhang natutunan sa Art Smart.

Nakipag-usap din si Teacher Precious sa guest teacher na si Teacher Rizalina Plan ng Malabon Elementary School para magbahagi ng kanyang karanasan at mga natutunan sa pagtuturo sa mga chikiting ng arts and crafts.

Inilunsad ng Knowledge Channel ang programa bilang bahagi ng kampanya nitong School at Home para tulungang maging malikhain ang mga bata at isulong ang importansya ng self-expression sa pamamagitan ng mga masasayang art activity.

Nakatulong din ang programa sa mga guro sa kanilang pagtuturo ng importansya ng sining sa bawat batang Pilipino.

Maaaring makisali ang mga chikiting sa lingguhang art workshop ni Teacher Precious sa Art Smart tuwing Biyernes, 11 ng umaga sa official Facebook page ng Knowledge Channel at sa SeenZone Channel ng Kumu.

Show comments