Mga na-rescue na aso’t pusa ni Jona, may sariling lupa at bahay na!

Nakakabilib ang magaling na singer na si Jona na grabe ang pagmamahal sa mga hayop. Tuluy-tuloy pa rin ang pagre-rescue niya sa mga abandoned na aso at pusa, lalo na ‘yung mga nadadaanan nila sa kalye.
Nagkatsikahan kami ni Jona nung Miyerkules sa taping ng second year ng Sing Galing. Naikuwento niyang meron daw silang na-rescue na aso sa may gitna ng highway ng Commonwealth na hindi na raw makatawid dahil sa bilis ng mga sasakyang dumadaan.
Mahina na raw ito at galisin na kaya, dinala nila ito sa vet para ipagamot.
So far, mahigit 30 dogs na ang inaalagaan ngayon ni Jona, at dagdag pang halos 35 na pusa na pawang na-rescue nila lahat.
Masayang-masaya siya na nakabili na raw siya ng lupa sa may Tanay, Rizal para sa mga na-rescue niyang aso at pusa.
Matagal na niyang nababanggit sa mga nakaraang interview na balak niyang bumili ng property para matitirhan ng mga alaga niyang hayop, at nangyari na ito ngayon. “Iba po talaga yung power ng words. ‘Pag binitawan mo siya in the universe, ‘yung wishes mo na gusto mong mangyari in the future, talagang maa-attract mo ‘yung opportunity na ‘yun. “Yun! Nagkatotoo po siya,” bulalas ni Jona.
Nung October 2020 daw niya nabili ang tatlong ektaryang lupa sa may Tanay, Rizal. Nagpatayo siya roon ng bahay para sa mga aso at pusa, at nag-hire siya ng mga taong mag-aalaga sa kanila.
“Kaya super thankful po talaga na binigay ni Lord sa amin ‘yung lupa na ‘yun for the animals,” masayang pahayag ni Jona.
“Kaya ngayon 2022, kailangan ko na talagang bumalik ng work kasi para makapag-support sa advocacy na to,” dagdag niya pang pahayag.
Si Jona, kasama si Ariel Rivera ang bagong miyembro ng mga hurado na tinatawag nilang Jukebosses na kinabibilangan nina Rey Valera, Jessa Zaragoza, Ronnie Liang, at Ethel Booba.
Sa darating na Sabado, March 12, na ang grand finals ng Sing Galing na naging Araw ng Videoke na rin.
Calista members, isang taong nag-training
Nakakamangha ang grand launch ng bagong all-girl group na tinawag nilang Calista. Sobrang natuwa ang mga imbitadong entertainment press dahil pagkatapos natengga ng dalawang taon dala ng pandemic, muling na-experience ang dating normal na nakakadalo sa ganitong event.
Ang galing ng anim na member ng bagong grupong ito na halatang ginastusan nang husto.
Isang taon silang dumaan sa matinding training sa pagkanta at pagsayaw.
Nagkanya-kanya ng paborito ang mga entertainment reporters dahil lahat naman sila magaganda at magagaling.
Sa anim na members, si Olive ang isa sa pinakapaborito ng karamihang entertainment press.
Pam-beauty queen ang ganda, dahil naging Miss Teen Cebu siya nung 2019.
Ganundin ang dating beauty queen na si Elle, na napakagaling ding sumayaw.
Dati ring nagmu-model at sumasali rin sa ilang beauty competitions si Dain, at naiisingit niya ito sa kanyang pag-aaral.
Si Anne naman ay hindi na bago ang pagkanta, dahil nakapag-release na nga siya noon ng ilang single, at galing din sa ilang singing competitions.
Ang pagsasayaw naman ang expertise ni Denise. Nakasali siya sa ilang international dance competitions sa Australia at malaki ang naisi-share niya sa dance routines ng grupo.
Naging training ground naman ni Laiza ang appearance niya sa ilang pelikula at TV shows.
Kaya naman sanay na sanay na siyang nag-perform sa stage, kaya pansing-pansin din ang pasiklab niya sa grand launch ng kanilang grupo.
Pang-international ang dating ng Calista, at hindi nga nagpahuli ang kanilang music video na obvious namang ginastusan nang bonggang-bongga.
Nasa YouTube ng Calista PH ang naturang music video, at ini-launch na rin ang kanilang first single na Race Car na nasa airwaves ngayon at sa lahat ng digital platforms.
- Latest