Kaladkaren, gusto na ring maging serious actress!
Pagdating sa lovelife, lalo na kay Arjo Atayde, ngiti na lang ang sagot ni Maine Mendoza at tipid na tipid.
Sa nakaraang mediacon ng programa niyang Maine Goals na magsi-second season na sa BuKo Channel, nakangiting “sana po” ang sagot niya sa sinabi sa kanyang sana matutuloy na ang pagiging ‘first lady’ niya kapag mananalo si Arjo na tumatakbong Representative ng District 1 ng Quezon City.
Napangiti na lang si Maine, at pagkatapos nga niyang sinelebrayt ang kanyang 27th birthday, wala na raw siyang mahihiling pa kundi magpasalamat na lang sa kung ano pang blessings na darating sa kanya. “Wala na akong talagang ini-aim pa na ma-achieve. Talagang ina-accept ko na lang what’s coming my way, and then ‘yun I’m just so grateful with what I have,” pakli ni Maine.
Simple lang daw ang mga celebration ng birthday niya kasama ang pamilya at si Arjo. Isi-share naman daw niya ito sa kanyang vlog.
Nagsimula na nung Lunes ang #MaineGoals ni Maine 8 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes at kasama niya rito ang co-hosts niyang sina Chamy at Chichi.
Samantala, ang cooking show naman ni Pokwang na Kusina ni Mamang ay kasama naman niya rito ang co-host niyang si DJ Jhaiho na pinag-uusapan na raw nila ang pagtatayo ni Pokwang ng sariling restaurant.
Sa March 12 ng 8 p.m. naman mapapanood sa BuKo Channel ang Kusina ni Mamang na nasa second season na rin.
At, may bagong programa namang ilulunsad ang BuKo Channel na swak na swak sa pagiging comedy channel nito.
Mala-sic o’clock news, pero mas masaya raw ito lalo na’t magagaling ang hosts, ang BalitaONEnan. Pawang katatawanan ang paghahatid ng balita na ang mag-a-anchor ay sina Wally Bayola, Alex Calleja at KaladKaren.
Kapansin-pansin ang laki nang iginanda ni Kaladkaren na pumayat.
Sabi nga ng direktor nilang si John ‘Sweet’ Lapuz, malapit-lapit na raw niyang malagpasan ang ganda ni Karen Davila.
Diretsahan ko siyang tinanong kung meron bang ipinabago sa kanyang mukha. Dumaan ba sa siyensya ang mga nabago sa mukha. “I’ve always believe na kung meron kang gustong ipagawa, why not coconut ‘di ba? If it will make you happy, if it will make you comfortable, why not?
“I’m very open to plastic surgeries, etcetera, etcetera. Pero, kung meron ba akong pinagawa? Siguro mga turok-turok lang. Totoo. So, nag-fillers fillers ganun ganun, tapos nag-facial, laser laser,” sagot ni KaladKaren.
Dagdag niyang pahayag; “Pero kung bakit po ako glowing, kasi lagi po akong nadidiligan. In love po. Saka pumayat kasi ako, from 75 kilograms, and now 55 kilos na. Hard work talaga. Tingin ko ‘pag pumayat, nagbabago din ang facial features.”
Proud si KaladKaren na bilang isang transwoman, napasok niya ang broadcasting o mainstream media.
“I’m very happy. I’m very privileged to have this opportunity na, you know as a transgender woman, meron tayong representation sa mainstream media, and I think that is very important nowadays. ‘Yung nakikita kayo, napapanood kayo, at nalalaman kung buhay ng transgender community. So, I’m very happy to be one of the representatives,” saad ni KaladKaren.
Pero dream din niyang maging isang ganap na aktres. “To be honest, I also want to be a serious actress. Kasi, I did theater when I was in UP. So, parang feeling ko naman baka puwede naman ‘di ba?
“Puwede na ako mag-acting acting. Sana maging serious actress din one day, kahit hindi na sexy star,” napapangiti niyang pahayag.
Magsisimula na ang BalitaONEnan sa March 21 ng 8:30 ng gabi. Mapapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes.
- Latest