Julie Anne, ‘di pa rin sinagot ang panliligaw ni Rayver

Julie Anne
STAR/ File

Hindi man nagsasalita sina Tom Rodriguez at Carla Abellana tungkol sa mainit pa ring isyung diumano’y hiwalayan nila, kitang-kita naman ng netizens kung ano ang dahilan dahil sa pagla-like ng Kapuso actress sa ilang komento laban kay Tom.

Bukod sa pinagbibintangang cheater at ‘di raw honest si Tom, may iba pang pambibintang na ibinabato sa Kapuso actor.

Ang iba ay parang kilalang-kilala ang mag-asawa na matindi ang pang-aalipusta kay Tom.

Merong pagsusumbat sa aktor na basta iniwan na lang daw ni Tom si Carla, kahit bagong kasal pa.

Meron pang nagsasabing, pati raw ang mommy ni Carla ay in-unfollow ni Tom.

Meron pang malisyosong comment na tinatanong kung gay si Tom.

Lahat ‘yun ay ini-like ni Carla.

Bakit kaya?

Itong mga huling IG posts ni Tom ay tinanggal na ang comment section.

Napapansin ding hanggang ngayon ay suot pa rin ni Tom ang wedding nilang mag-asawa, pero si Carla ay hindi na.

Bilang professional artist naman si Tom, game na game siya sa All-Out Sundays kahapon, at sana nga regular na siya sa naturang show.

Inabangan namin ang segment sa AOS na Marites and Marisol na hinost nina Boobay at Pekto, pero nabitin lang kami nang tinanong nila si Tom nang pabulong at ganundin ang sagot ng aktor.

Sinabi lang nina Marites at Marisol na totoo, pero obvious namang kiyeme kiyeme lang ‘yun.

Hindi naman puwedeng sa isang noontime-variety show nila ito iri-reveal.

Samantala, nakakaaliw nga itong bagong segment ng AOS na Marites and Marisol, dahil may halong tsismisan.

Si Julie Anne San Jose ang isa sa tinanong kung totoong may isang Kapuso male star na kinausap ang kanyang ama dahil sa may intensyong manligaw sa kanya.

Obvious namang si Rayver Cruz ang tinutukoy, dahil sinabi pa ni Boobay na wala raw ito ngayon sa stage. “Mara­mi kasing nakakausap ‘yung tatay ko. Kaya ano…” ganun lang ka-safe ang sagot ni Julie Anne na gusto pa sanang umapela ni Barbie Forteza.

Mukhang itutuluy-tuloy na nila ang segment na ito, at ganun na rin si Tom dahil kasama pa rin siya sa taping ng All-Out Sundays.

Direk Jerry, nagaanan sa trabaho sa Kapuso

Interesting at kaabang-abang ang pagsisimula ng Wi­dows’ Web ngayong gabi sa GMA Telebabad.

Bukod sa maganda ang teaser na ipinapalabas, interesado kami sa produkto ni direk Jerry Sineneng.

First project ito ni direk Jerry sa GMA 7 at nagpapasalamat siya dahil sa kanya ipinagkatiwala ang naturang project.

Sabi naman ni Ms. Helen Sese na Senior Program Manager ng bagong drama series, tinanong daw siya ng bosses kung sino ang nababagay na magdirek ng Widows’ Web, si direk Jerry raw agad ang nasa isip niya na tingin niya kayang-kaya nitong hawakan.    

Kaya nagpapasalamat si direk Jerry dahil sa napakagaan daw ng mga nakatrabaho niya, lalo na ang Kapuso stars na ngayon pa lang niya nakatrabaho.

“’Yung first time kong makatrabaho, sina Vaness (Del Moral), sila Ashley (Ortega), sina Pau­line (Mendoza).

Kababait. Kagagaan katrabaho, ka-professio­nal.

“Totoo ito ha? Wala itong biro.

“We had an agreement before we started. Meron kaming pinag-agree-han na like, you come to the set on time, you come ready. Wala silang bini-break.

“Ang gaan nilang katrabaho. We had this script reading before we enter sa lock in taping. Dun inaral namin ang mga characters. Kung ano ang pinag-agree-han, kung ano ‘yung character, ang role…kung ano ang kinakailangan, binibigay nila.

“Magaan katrabaho, magagaling. Ang sarap katrabaho,” puri ni direk Jerry sa mga artista niya sa Widows’ Web lalo na sa mga home-grown Kapuso stars.

Mapapanood na ito ngayong gabi pagkatapos ng First Lady.

Show comments