'Gustong sumama?': Ely Buendia, E-Heads usap-usapang dadalo sa Robredo rally sa Iloilo

Makikita sa larawang ito ang dating bokalista ng Eraserheads na si Ely Buendia (kaliwa) at si 2022 presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo (kanan)
Litrato mula sa Facebook page ni Bise Presidente Leni Robredo

MANILA, Philippines — Sari-saring espekulasyon ang lumulutang ngayon kung magpe-perform ang dating bokalista ng Eraserheads sa "grand rally" ni 2022 presidential candidate Bise Presidente Leni Robredo sa Iloilo sa Biyernes — ito lalo na't nagpaparinig si Ely Buendia na pupunta siya roon.

"See you soon, Iloilo!" wika ni Ely sa kanyang Twitter, Huwebes nang umaga.

Lalong tumindi ang ugong-ugong hinggil dito nang biglang i-retweet ni dating Sen. Bam Aquino, na tumatayong campaign manager ni Robredo, ang paskil ni Ely habang tila niyayaya siya.

"Gusto mo bang sumama?" sabi ni Aquino kanina habang sinisipi ang lyrics ng Eraserheads hit song na "Alapaap."

Nakatakdang magkaroon ng "Grand Rally" para sa kandidatura nina Robredo at kanyang vice presidential tandem na si Sen. Francis "Kiko" Pangilinan sa Iloilo bukas, bagay na ila-live stream pagsapit ng 4:30 p.m.

Kaugnay niyan, hindi tuloy naiwasan ng mga fans na umasang naroon ang pamosong frontman bukas.

'Eraserheads reunion kapag tumakbo si Leni'

Setyembre 2021 nang pabirong sinabi ng OPM rock icon na magkakaroon ng reunion ang bandang Eraserheads oras na kumandidato sa pagkapangulo si VP Leni.

Dahil dito, bumaha ng requests online para totohanin ni Buendia — na kilala rin para sa banda niyang Pupil — ang "pangako" niyang reunion dapat ng Eraserheads nang maging opisyal ang kandidatura ni Robredo.

Nobyembre naman nang "bulabugin" ni Ely ang opisina ng ikalawang pangulo, kung saan makikitang binigyan ng nauna ng 25th anniversary limited edition vinyl record ang ikalawa.

Ang naturang rally sa Iloilo bukas ay kasabay ng ika-36 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, na siyang paggunita sa pagpapatalsik noon ng halos 2 milyong katao sa kalsada sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Pupunta kaya talaga sa Iloilo rally sina Ely pati ang Eraserheads? Oras na lang siguro ang makapagsasabi. — James Relativo

Show comments