Action star na in demand sa pelikula at TV noon, hina-hunting ng mga pinagkakautangan!

Mukhang matindi nga ang pangangailangan ngayon ng isang popular na male perso­nality. Hindi lang ang pandemya ang dahilan, bago pa dumating ang panahon ng taghirap ay ganu’n na ang kanyang sitwasyon, kaya marami siyang hindi nababayarang pagkakautang.

Wala siyang trabaho ngayon, bibihira lang ang gumagawa ng malalaking pelikula, walang naglalakas-loob na mamuhunan dahil sa pagsasarado ng mga sinehan.

Kuwento ng aming source, “E, dati, parang wala nang katapusan ang pagdating ng mga biyaya sa kanya. Kaliwa’t kanan ang mga pelikula niya, may TV shows pa siya, saganang-sagana ang buhay niya nu’n!

“Namimili nga lang siya ng gagawin niyang project, kapag ayaw niya, walang producer na makapamimilit sa kanya. Napakaganda ng buhay niya nu’n,” unang paglalarawan ng aming source tungkol sa sikat na male persona­lity.

‘Yun ang dahilan kung bakit kaliwa’t kanan din ang pambababae ng male personality kahit pa pamilyado na siya. Bumibili pa nga siya ng bahay sa malalayong probinsiya para mapagdalhan niya ng mga kababaihan.

Sabi ng aming source, “Nahuli siya ng wife niya sa isang bahay na binili niya! Nandu’n ang girl, nagtago sa CR, matindi ang naging away ng mag-asawa!

“Maraming beses na nangyari ‘yun, napapaaway ang misis niya sa mga dinadala niyang girls sa slaughter house niya! Ayun, nagsawa na rin ang wife niya, humiwalay na sa kanya!” dagdag na kuwento pa ng aming source.

Dahil wala na siyang mga proyekto ay maraming maniningil ngayon ang male personality. Mga hulugang sasakyan, bahay na hindi pa pala nababayaran ang balanse, pati ang kanyang mga abogado ay naniningil din ngayon sa kanya.

“Nakakalungkot ang nangyari sa kanya. Naubos ang ipon niya. Nagkasakit pa siya, mabuti at gumaling din siya agad. May mga sasakyan pa siyang hindi bayad, hindi niya nahuhulugan, ang ibang sasakyan, e, nahila na lang sa kanya.

“At ang mga abogadong humawak sa kaso niya nu’ng maghiwalay sila ng wife niya, hindi pa rin bayad. Napakalaki pa ang kanyang kulang. Siya ang patotoo na walang kasiguruhan ang buhay ng mga artista.

“Sikat na sikat siyang action star nu’n, pero wala na siyang pelikula, matindi nga ang pangangailangan niya ngayon! Oh boy!” napapailing na pagtatapos ng aming soruce.

Ubos!

Tatay ni James, consistent sa pagiging epal!

Ayan, nagalit ang tatay ni James Reid, fake news daw ang mga naglalabasang kuwento na sa Amerika na hahanapin ng kanyang anak ang magandang kapalaran.

Dadalawin lang daw ni James ang kanyang kapatid, hindi raw siya maghahanap ng trabaho sa bansa ni Uncle Sam, sabi pa ng kanyang tatay.

Hindi na nakapagtataka ang pakikisawsaw ng ama ni James Reid sa issue. Kahit naman nu’ng kasagsagan ng popularidad niya ay laging kasali ang tatay niya sa maraming kuwento.

Stage father ang tatay ni James, palagi itong kasali sa aksiyon, na ikinaiirita ng mga nangangalaga sa career ng binatang aktor.

Daddy ni Alden, hindi pakialamero

Gusto lang naming isali sa usapan ang tatay ng Pambansang Bae na si Alden Richards. Suportado ni Mr. Richard Faul­kerson ang karera ng kanyang anak pero sa positibong paraan.

Hindi siya nakikialam sa mga kontrata ni Alden, malaki ang tiwala niya sa manager ng kanyang anak at sa GMA-7, pero ramdam na ramdam ang kanyang suporta sa sikat na aktor.

Sabi ng aming source, “Kapag may mga fans na nagre-request ng pictures ni Alden habang nasa bahay lang, pinagbibigyan sila ni Daddy Bae.

“Hindi siya nagdadamot, binibigyan niya ng importance ang mga fans ng anak niya, kaya naman mahal na mahal siya. Minsan lang namin siyang naramdamang nagbitiw ng salitang madiin.

“’Yung pagtutuwid niya sa balitang may anak na sina Alden at Maine Mendoza. Nu’n lang! Kalokohan naman talaga ang kuwentong ‘yun!

“Pilit na pinalalabas ng mga walang magawa na meron nang anak ang dalawa, e, napakaimposible naman ng kuwentong ‘yun!” pahayag ng aming source.

Nu’ng una ay pinaratangan din si Daddy Bae na stage father, pero nu’ng magtagal ay nakita rin ng mga nagbibintang ang hindi niya pakikialam sa career ng kanyang anak, nagbibigay lang siya ng mga dagdag na impormasyon kung kinakailangan.

Palaging problema ng mga manager ang pakikialam ng mga magulang sa karera ng kanilang anak. Gumugulo kasi ang sitwasyon.

Ano nga ba ang nangyari sa maganda na sanang takbo ng career ni James Reid? May nangyari ba? May naganap bang milagro nang umalis ang aktor sa poder ng Viva?

 

Show comments