Rabiya, nautal nang tanungin tungkol sa ka-valentine
Sandaling nautal si Rabiya Mateo at hindi agad nakasagot nang diretsahang tanungin ni Jun Lalin kung may boyfriend ba siya ngayon o kung may ka-Valentines siya. Kasama si Rabiya sa virtual mediacon ng Agimat ng Agila nung nakaraang Lunes na Valentine’s Day mismo.
Nandun siyempre si Sen. Bong Revilla kasama ang iba pang cast ng naturang fantasy-action series na sina MJ Lastimosa at Michelle Dee.
Naka-red ang tatlong ladies ng Agimat ng Agila dahil nga Valentine’s Day kaya tinanong sila kung ano ang gagawin nila pagkatapos ng mediacon.
Sabi nina Michelle at MJ, wala raw sila ka-Valentine’s dahil matagal nang single si Michelle, at si MJ ay may early call daw na trabaho kinabukasan kaya maaga raw siyang matulog.
Ganundin ang sagot ni Rabiya na wala raw siyang gagawin sa Valentine’s Day. “Sa totoo po, wala po talaga akong date,” pakli niya sa pangungulit sa kanya ni Jun Lalin.
Matagal bago siya nakasagot uli nang tinanong kung may boyfriend ba siya ngayon pagkatapos ng breakup nila ng non-showbiz boyfriend. “Wala po talaga as of the moment. And siguro po, time will tell. Pero ngayon po, I’m proud... hindi naman proud. Siguro po I can say, and I can look po sa eyes n’yo na wala po.”
Masaya si Rabiya sa pagsisimula niya sa showbiz, kaya ito raw muna ang gusto niyang pagkaabalahan.
Ang suwerte raw niya na ang Agimat ng Agila ang unang series niya dahil naalagaan daw siya nang husto.
Ipinagpapasalamat niya ang pagtulong sa kanya ni Sen. Bong Revilla sa set.
Kapag medyo nakukulangan daw si Sen. Bong sa ginawa ni Rabiya, pinapaulit niya ito at gina-guide kung ano ang gagawin sa isang eksena.
Ani Rabiya; “Na-appreciate ko talaga coz Sen. Bong won’t settle for anything less. Gusto niya talaga best performance ang ipapakita mo.
“I’m very glad po na si Sen. Bong ang isa sa mga first na leading ko kasi he’s been guiding me talaga, on how to be professional kung ano ang dapat gawin, at hindi dapat gawin.
“Eh dati po kasi, I’m very expressive the way I talked. Lahat sa mukha ko gumagalaw. So, si Senator nagsasabi sa akin na ganito aatakehin, minimize this, dapat 10 percent lang. So, I’m very happy.”
Napanood na si Rabiya sa Agimat ng Agila nung nakaraang Sabado at sa mga susunod na episodes ay babalik si Michelle bilang si Serpenta, at si MJ bilang si Rosebud na magmama-Marites daw siya kina Gabriel Labrador (Sen. Bong) tungkol sa talisman ng Agila.
Tom, sawi sa first valentine nila ni Carla bilang mag-asawa
Kung dedma si Carla Abellana sa “I love you, Mommy” na message ni Tom Rodriguez sa Instagram post ng Kapuso actress, idinaan na lang ng Kapuso actor sa madamdaming awitin ni Renz Verano na Sana Patawarin Mahal Ko na kinanta niya sa All-Out Sundays nung nakaraang Linggo. Kasama ni Tom sina Mark Bautista, Derrick Monasterio at Renz.
Valentine episode ito ng AOS, at ang nakakalungkot, ito pa naman ang first Valentine sana nila bilang mag-asawa.
Tumaas naman ang rating ng AOS na kung saan ay inilunsad ang limang Sparkle loveteams.
Samantala, huling episode na ng Dear Uge nung nakaraang Linggo at mataas ang rating nito na naka-4.1 percent. Wala pang balita kung ano ang ipapalit, pero ang curious kami ay kung meron bang ibibigay ang GMA 7 kay Eugene Domingo.
Mukhang wala namang plano sa kanya.
- Latest