Aktres, memoryado ang mga bundle-bundle na datung!

Ito ang ikalawang bagsak ng kuwento tungkol sa isang babaeng personalidad na sumikat nang sikat na sikat nu’ng kasagsagan ng kanyang karera.

Sundan natin ang kuwento ng isang source na nakasama niya nang matagal na panahon. Maraming nakatagong anekdota sa baul ang impormanteng ito tungkol sa female personality.

Sabi ng aming source, “Mahilig siyang magnomo-nomo nu’ng kasikatan niya. Kapag walang trabaho, bitbit niya ang lahat sa bar. Nagba-bar hopping sila.

 “Kaming mga hindi naman umiinom, e, behave lang. Pero ibang klase siyang magyaya. May talent fee ‘yun! Bawat isa, give niya nang 5K. E, magkano ngayon ang value nang limang libo nu’ng dekadang ‘yun?

“Kapag lasing na lasing na siya, panalo ang mga waiter! Grabe siyang magbigay ng tip, suweldo na nila nang ilang buwan ang ibinibigay ng female personality!

“Kaya basta pumasok na ang tropa sa bar, nakapaikot na sa kanila ang mga waiter, kasi nga, bibigyan sila nang libo-libo ng female personality!

“Ganu’n siya ka-generous, kilalang-kilala siya sa pagiging waldas sa pera!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Pero masinop pala sa pera ang sikat na female personality. Alam niya kung nasaan ang kanyang salapi. Bilang na bilang din niya ang mga bundle ng pera. May listahan pala siya.

Patuloy ng aming source, “Du’n nagkamali ang isang baguhang staff niya. pinagkatiwalaan kasi niyang humawak ng bag niya ang girl. Nalasing ang female personality, lasheng na lasheng, ginetlakan niya ng isang bundle ang bag.

“Heto na. paggising ng female personality, nagulantang siya! Kulang ng isang bundle ang pera niya! Tinawag niya ang girl, nagdenay ang pinahawak niya ng bag. Wala raw siyang alam!

“Sabi ng female personality, Kahit lunurin pa ako sa alak, alam ko kung magkano ang pera ko. May listahan ako. Kagabi, tatlong bundles lang ang ginastos ko! Heto ang tatlong tali, itinatago ko palagi ito kapag nalalasing ako!”

 “Wala nang nagawa ang girl kundi ang umamin. Kinuha nga niya ang isang bundle. Tanggal sa trabaho ang baguhang staff, hindi pala kasi niya mapagkakatiwalaan.

“Waldas man siya sa pera, e, alam niya ang pera niya. Hindi siya puwedeng lokohin. Wala na siyang mga bundles ngayon, pero hindi siya nalulungkot, naranasan na niyang magkaroon ng datung na sobra-sobra pa sa pangangailangan niya!

 “Ganu’n siya, mga guys, wala siyang pinagsisisihan, hindi siya naiinggit sa ibang mapera, pinagdaanan na niya ‘yun!” madiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kris, binaha ng pagbati

Kaarawan kahapon ni Kris Aquino. Singkuwenta’y uno anyos na ang TV host. At sa kanyang kaarawan ay nakiusap siya na huwag nang gumastos ang mga babati sa kanya.

Pandemya nga naman ngayon, ramdam ang hirap ng pera, kaya ang pagbati lamang para alalahanin ang kanyang kaarawan ay sapat na.

Maraming bumati kay Kris na ang kagandahan ng kanyang kalusugan ang hangad, ‘yun naman talaga ang kailangan niya ngayon, ang gumanda ang sitwasyon ng kanyang kaarawan.

Kung magiging maayos ang kanyang mga tests ngayon ay malaki ang posibilidad na bumiyahe na silang mag-iina papuntang Amerika para sa masusi niyang pagpapagamot.

Kahit nu’ng ilang buwan siyang nanatili sa Singapore para sa kanyang gamutan ay kasama rin niya sina Joshua at Bimby. Nakaospital siya at naka-hotel naman ang magkapatid.

Mas maganda na nga naman ang ganu’n para alam niya ang nangyayari sa kanyang mga anak. Sina Josh at Bimby ang kanyang buhay, kailangang alam niya ang lahat ng detalye, kaya mas magandang magkakasama nga sila.

Kahit naman hindi kaarawan ni Kris ay palagi naming ipinagdarasal na sana’y matunton na ng mga doktor kung saan nag-uugat ang kanyang sakit.

Sana’y magkaroon ng saysay ang kanyang salapi para sa kanyang paggaling. Sa kanyang pagbabalik pagkatapos nang ilang buwan ay ibang Kris Aquino na sana ang tumambad sa atin.

Nadagdagan na ng timbang, maayos na ang buong katawan, isang masayang Kris na sana ang ating makasama uli.

Panalangin lamang ang puwede nating iregalo sa isang tulad niya na wala nang kailangang materyal na bagay sa mundo.

Show comments