Isinabay noong Chinese New Year ang launching ng Pasada Babes, ang kauna-unahang all-female commuter dance crew ng Pilipinas.
Sa pangunguna ni MC Shan Tey, nauna nang pinahanga ng five-member dance crew ang fans nang mag-hit ang kanilang first single na Papa Pasada sa online streaming channels.
Kakaiba ang Pasada Babes dahil sila ang nagsusulat, kumakanta at gumagawa ng kani-kanilang mga dance routine.
Nabuo ang grupo nu’ng nakaraang taon matapos mag-usap na kailangang maiparating sa publiko ang kinakaharap na pasakit ng mga commuter sa araw-araw. “Lahat po kami magkakabarkada na performers na nawalan ng gig nang magpandemya. Hirap na hirap po kaming makasakay dahil sa kawalan ng masasakyang bus, lalo na provincial buses at jeepney.
“Naisip po naming buuin ang Pasada Babes para maiparating sa pamahalaan na dapat namang pakinggan kaming mga commuter para maibsan po ang hirap na nararanasan namin sa araw-araw,” ayon kay MC Shantey, lead singer ng grupo.
Nakipagtulungan din ang Pasada Babes kay Dom Chad Hernandez, secretary general ng commuter group na Pasada CC, sa paglulunsad ng signature drive upang mas lalong malakas ang pagpaparating sa gobyerno ang mga hinaing at makipagtulungan sa pamahalaan para sa agarang solusyon.
Nabuo ang Pasada CC noong 2019 upang isulong ang kapakanan ng mga commuter at transport worker. “Sa pamamagitan ng Pasada Babes, mas mapapaigting ang paghikayat sa ating mga kababayan na mag-sign up sa aming signature drive. Tatlo lamang naman ang aming kahilingan: Magtayo ng mga commuter-friendly infrastructure para mas lalong guminhawa ang kalagayan ng mga mananakay. Ikalawa, solusyunan ang collorum sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng 60-day moratorium. At ikatlo, magkaroon ng boses ang pribadong sektor sa paggawa ng mga polisiya na makakaapekto sa buhay ng commuters at transport workers,” sabi ni Hernandez.