Sumikat na aktres, naging maluwag sa pera kaya sinuwerte!

Sa isang umpukan ng mga dating nakasama nang matagal ng isang sumikat nang sikat na sikat na isang babaeng personalidad ay pinagtripan nila ang mga nakatutuwang karanasan.

Ang sarap pakinggan ng mga kuwento, lalo na kapag bumibiyahe sila sa malalayong lugar para mag-show ang sikat na sikat na male personality, panglibro ang kanilang mga istorya.

Sabi ng isang source, “Bumibiyahe kami sa malayong probinsiya. Hindi mo siya mapapasakay sa sarili niyang kotse, sumasabay siya sa amin, never siyang hihiwalay sa amin!

“Kahit luma ang van, sa amin siya sumasabay, samantalang ang gara-gara ng kotse niya, ha? Kapag nagkakaantukan na, bigla siyang makakaisip ng dahilan para magising kaming lahat.

“Sisigaw siya nang napakalakas, ‘Naiihi ako! Ipara n’yo ang van!’ Natural, magigising naman kaming lahat. ‘Yun pala, e, hindi naman siya nadyidyinggel, joke lang niya ‘yun!

“Pero marunong siyang bumawi! Maglalabas siya ng isang bundle ng pera, sasabihin niya, ‘Hati-hati kayong lahat para hindi kayo inaantok!’

“E, gaano kalaki ang value ng pera nu’ng kasagsagan ng popularity niya? Napakalaki! Ganu’n siya! Ang bag niya kapag bumibiyahe siya sa malalayong lugar, may limang bundle na pera!

“Magkano ‘yun? May mga binibigyan kasi siya. Kapag may kinaawaan siya, huhugot siya ng pera. Wala nang bilangan ‘yun kung magkano, bigay lang siya nang bigay!” unang kuwento ng aming impormante.

Nu’ng nagsisimula pa lang sumikat ang female personality ay may karanasang hindi makakalimutan ang kanyang mga kaibigan. Nakakapangilabot.

“Nadyidyinggel siya. Pinili niya ang isang maliit na bahay. Parang kubo lang. May isang matandang babae na nagpatuloy sa kanya, walang tanung-tanong. Nu’ng makadyinggel na siya, may naririnig siyang umuubong bata sa duyan.

“Nag-abot siya sa matanda, pambili raw ng gamot sa ubo ng bata. Sabi sa kanya nu’ng matanda, ‘Ineng, nakikita mo ang hawak kong tungkod? Nakikita ko, mas mataas pa sa tungkod na ito ang mga biyayang darating sa buhay mo.’ E, hindi naman siya kilala nu’ng matanda!

“Ilang minuto na kaming bumibiyahe, wala parin kaming kibuan. Naaalala namin ang sinabi nu’ng matanda. At nagkatotoo ‘yun! Grabe ang inabot niyang kasikatan! Dinambana talaga siya ng publiko, yumaman siya nang todo!

“Alam pa niya ang nangyaring ‘yun hanggang ngayon, hindi niya nakakalimutan, dahil nilampasan pa nga niya ang taas ng tungkod nu’ng matanda!” kinikilabutang kuwento pa ng aming source.

Ubos!

Toni, naging woman of the hour

Isang malaking barko ngayon si Toni Gonzaga na gustong sakyan-angkasan nang sangdamakmak na pasahero. Siya kasi ang woman of the hour. Positibo o negatibo man ang mga tinatanggap niyang komento ngayon ay hindi maikakaila na kanya ang entablado ng kasikatan ngayon.

May mga nakikisawsaw na dati niyang katrabaho, mapakla raw sa panlasa ang ginawa niyang pagpapakilala sa isang tumatakbong senador, dahil isa ang pulitikong ‘yun sa mga humarang para mapagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN.

May nakikisali rin sa kontrobersiya na hindi naman puwedeng ituring na laos dahil hindi naman sumikat. Para-paraan lang para masabing relevant sila kahit hindi naman.

Parang isang puno ngayon si Toni na punumpuno ng mga kulisap ang bawat sanga, nanginginain sa kanyang mga dahon, kaya kailangan na lang niyang ipagpag para mahulog.

Sa isang napanood naming episode ng vlog ni Toni Gonzaga ilang buwan na ang nakararaan ay kinakapanayam nila ni Alex ang kanilang amang si Daddy Bonoy.

Father’s Day ‘yun. Ang kanilang tanong kay kay Daddy Bonoy, ano ang maaari nilang gawing magkapatid para malungkot ang kanilang tatay, meron ba?

Humigit-kumulang ay ganito ang tugon ng kanilang ama, “Palagi ko kayong ipinagdarasal. Hindi ko kayo hinihiwalayan ng panalangin. Masaya ako sa nangyayari sa career n’yo.

“Ang tanging hiling ko lang kung sakaling magtagumpay kayo ay ang hindi n’yo paglimot sa Diyos. At nakikita ko naman, ginagawa n’yo ang para sa Kanya,” sinserong sabi ni Daddy Bonoy.

Hindi kayang pabagsakin ng kahit ano ang tulad ni Toni na binabalot ng malalim na pundasyon ng paggabay ng kanyang magulang.

Hindi siya perpekto, maaaring sa pananaw ng iba ay maling-mali ang kanyang ginawa, pero ang lahat naman ng ating ginagawa ay meron ding kakambal na malalim na dahilan.

Hindi kayang gamutin ng basta tableta lang ang masasakit-matitinding salitang ibinabato ngayon laban sa kanya. Hindi rin ‘yun mapaglulubag lang ng basta pasensiya na.

Lilipas din ito. Isang araw ay magiging makinis din ang daan. Kailangan lang magpakatatag ni Toni Gonzaga. Kasama ‘yan sa laban.

Show comments