'Nakakainsulto': Ex-PBB housemate kinastigo Toni Gonzaga sa Marcos, Marcoleta endorsement

Litrato ni dating "Pinoy Big Brother" housemate Dawn Chang (kaliwa) at noo'y PBB host at aktres na si Toni Gonzaga (kanan)
Mula sa Facebook page ni Dawn Chang; Mula sa Instagram account ni Bongbong Marcos

MANILA, Philippines — Hindi nakapagtimpi ang isang dating "Pinoy Big Brother" housemate at ilang ABS-CBN workers matapos i-host ng Kapamilya star na si Toni Gonzaga ang proclamation rally ni dating. Sen. Bongbong Marcos — ito maliban sa pagsuporta ng aktres sa kandidatong lumaban sa  prangkisa ng Channel 2.

Miyerkules nang ianunsyo ni Toni na lilisanin na niya ang PBB bilang host nito matapos ang 16-taon, isang araw matapos ang kontrobersyal na pagsuporta niya sa anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

"I am deeply insulted and disappointed by the actions of my fellow kapamilya actress Ms. Toni Gonzaga," wika ni Dawn Chang, na 4th placer sa ika-anim na season ng PBB, kagabi.

"Paano nyo po nasikmurang suportahan at tulungan ang mga taong may malupit na nakaraan sa kasaysayan ng bansa at sa pagkawala ng trabaho ng mga kasama natin sa industriya? As a former PBB housemate, alam kong magtatampo nyan si Kuya."

 

 

Matatandaang isa rin si Toni — na bahagi noon ng Kapamilya show na PBB — sa mga nag-endorso sa 2022 senatorial bid ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta sa naturang proclamation rally, na kilalang nanguna laban sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Sa ilalim ng Martial Law ni Marcos mula 1972, sinasabing nasa 70,000 ang ikinulong, 34,000 ang tinortyur at nasa 3,200 ang pinatay.

Dagdag pa ni Dawn, hindi niya masisikmurang manahimik lang ngayon sa mga nangyayari: "Hindi pwede. It is my privilege to lend my small voice in this battle for the soul of our country. Kaya sa aking mga kapwa Pilipino, kay VP Leni Robredo Leni Gerona Robredo po ang suporta ko. Hindi po ako binayaran dito," dagdag pa niya.

"If this is my biggest fight, then I will forever cherish standing up to what I believe in. Hindi po pera pera. Heto po ay laban ng prinsipyo. I want for all of us to say 'Hello' to a better Philippines."

Una nang sinabi ni Toni naniniwala siya sa kakayahan ng kapwa host na si Bianca Gonzales para pangunahan ang PBB magmula ngayon.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Bongbong, na gumamit ng Martial Law-era song na "Bagong Lipunan" sa kang proc rally, kay Toni ngayong Huwebes sa kabila ng hinaharap na kontrobersiya ng huli.

"You're welcome my President @bongbongmarcos," na lang ang naging tugon diyan ni Toni sa isang Instagram story kanina.

 

 

Iba pang Kapamilya celebs, workers banas

Hindi lang si Chang ang nainis sa inaasal ni Toni ngayon — pati na ang ilan niyang katrabaho sa naturang himpian.

Ilan na nga riyan ang ilang aktista, komedyante, mamamahayag, atbp. mula sa Kapamilya network.

"Ay kakatouch," sarkastikong sabi ng Kapamilya broadcaster na si Marc Logan matapos niyang i-report ang naunang pahayag ni Toni ng pakikiisa sa mga natanggal sa ABS-CBN matapos nitong mawala sa free TV.

 

 

Ganyan din naman ang sentimyento ng komedyanteng si Alex Calleja at dating Kapamilya hosts na sina Gretchen Ho at DJ Chacha.

Show comments