Nagdadalawang-isip na maniwala ang mga nakaalam ng impormasyon na sa kalagitnaan ng kampanya ay may magaganap na matinding pagbabago.
Pera-pera ang lumulutang na dahilan. Isang pulitikong nakikipagbalyahan ngayon sa isang mataas na posisyon ang biglang susuko sa laban.
Pero kuwestiyonable para sa marami ang kuwento, maraming naniniwala na hindi gagawin ‘yun ng pulitiko, dahil napakatindi ng kanyang pangarap na masungkit ang tagumpay.
Kuwento ng aming source, “’Yun mismo ang humaharang na paniwalaan ng marami ang istorya na uurong siya sa labanan. Mas matindi ang paniniwala nila na anuman ang mangyari, tatapusin niya ang laban!
“Gusto niyang gumawa ng marka sa eleksiyon, tutukan man siya ng sibat, e, hinding-hindi siya uurong, malayo sa character niya ‘yun!” unang komento ng aming impormante.
Ganito ang takbo ng kuwentong lumabas. Meron daw tagasuporta ang isang kumakandidato na sobra-sobra ang kayamanan na naninirahan sa ibang bansa. ‘Yun daw ang magbabayad nang apat na bilyong piso sa pulitiko para sumuko sa laban.
Patuloy ng aming source, “Four billion pesos ang pinag-uusapan, ha? Hindi daang milyon lang! Apat na bilyong piso! Magkakaroon daw ng negosasyon sa kalahatian ng kampanya.
“Gusto naman sigurong makasiguro nu’ng pulitikong pinauurong kung ano ang chance niya sa survey. Pero kapag bumababa raw nang bumababa ang kandidatura niya, e, du’n na magkakaroon ng mga pailalim na negosasyon!
“Ang kundisyon, ang lahat ng mga supporters nu’ng uurong na pulitiko, e, lilipat naman sa pulitikong tatayaan nang apat na bilyong piso ng supporter niya!
“Matindi ang istorya, pero puwede rin namang paninira lang ‘yun sa pinauurong na pulitiko. Pinalalabas kasi ng iba na matindi ang pangangailangan ng politician na ‘yun!
“Sige nga, tingnan nga natin, abangan nga natin kung totoo ngang uurong sa labanan ang pulitikong binabanggit sa kuwento!
“Manmanan natin ang kanilang galawan, pareho lang silang may gustong makuha ang supot ng ginto sa palosebo ng pulitika, tingnan natin kung sino ang uurong sa karera!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Willie, kinampihan ng kapalaran
Ibang klase talagang magbiro ang kapalaran. Wala ngang imposible sa mundong ito. May isang dekada na ang nakararaan ay kinansela ng ABS-CBN ang trabaho ni Willie Revillame.
Lumipat siya sa TV5, naging matagumpay ang kanyang show sa Kapatid network, kinasuhan siya ng ABS-CBN at nakarating ang labanan nila hanggang sa Court Of Appeals. Ipinanalo ni Willie ang lahat ng kasong isinampa laban sa kanya ng Kapamilya network.
Pagkatapos ng TV5 ay lumipat naman si Willie sa GMA-7, halos pitong taon ang ipinamalagi niya sa Kapuso network, hindi na nag-renew ng bagong kontrata si Willie sa ngalan ng prinsipyo.
Ang pamilya Villar ang nakakuha sa frequency ng ABS-CBN, magiging aktibo ang Advanced Media Broadcasting System, si Willie Revillame ang napupusuan ng pamilya Villar na mamahala sa kanilang pagsahimpapawid.
Nu’ng minsang nakatanaw kami ni Willie sa bintana ng kanyang Wil Tower ay biniro namin siya, tanaw na tanaw kasi mula du’n ang buong bakuran ng istasyong nakatulong sa kanya, pero nagbigay rin nang napakalaking problema at sakit ng kalooban sa kanya.
Ngumingiti lang si Willie, kasunod ang pagbuntong-hininga, ‘yun ang kanyang ugali na gustung-gusto namin. Wala kang maririnig na anumang salita ng paghihiganti mula sa kanya.
Pero mas matindi ang biro ng kapalaran sa kanya ngayong malinis na ang tatahakin niyang daan sa hindi pagpirma ng kontrata sa GMA-7. Sila ng pamilya Villar ang magpapatakbo ng network.
Kinikilabutan kami habang isinusulat namin ang kolum na ito. Wala talagang mayhawak ng bukas. Umiikot nga ang gulong ng buhay. Sino ang mag-aakala na ang mismong network na nagbigay sa kanya ng bangungot ang ipagkakatiwala pa sa kanya ng mga Villar na patakbuhin?
Sino ang mag-iisip na ang network pang nagdemanda laban sa kanya nang patung-patong ang magkatulong nilang pagtatagumpayin ng pamilya Villar?
Naaalala pa namin ang mga personalidad na nanira nang todo kay Willie na nagpakain sa kanya ng mga salitang mahirap lunukin tulad ng walang utang na loob. Mapapaklang salita ‘yun na humusga at nangmenos sa kanyang pagkatao.
Pero dahil ang buhay ay parang gulong na umiikot ay nagkakaroon ng iba-ibang direksiyon ang kapalaran. Ang imposible ay nagiging posible pala.
At walang ibang puwersang nakapagtatakda ng ating kinabukasan. Diyos lang at kapalaran.