^

PSN Showbiz

Komedya sa pulitika: Nakakatulong nga ba?

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Komedya sa pulitika: Nakakatulong nga ba?
Comedians Frida Nepomuceno, her father, Willie Nepomuceno, and Jon Santos impersonating Senator Grace Poe, dictator Ferdinand Marcos and President Rodrigo Duterte.
Screenshots from ANC's Headstart, Nepflix and The STAR

Umpisa na ng kampanya! Kaliwa’t kanan na ang mga nagsisilabasang mga debate at mga programang pampulitika upang ating mas makilatis ang mga kandidato at kanilang mga plataporma.

Sa aking online show na Pamilya Talk, sinabi ng mga sikat na impersonator na sina Willie Nepomuceno, Jon Santos at Frida Nepomuceno na bukod sa pagpapatawa, ang mas importante para sa kanila’y maging mulat sa mga isyung panlipunan ang publiko.

Nakaka-miss tuloy ang ating mga political satires! Sikat ang mga ito kapag halalan, lalo na’t mahilig tumawa ang mga Pilipino. Tinatawanan natin ang halos lahat ng mga bagay, maging ang ating mga problema. Pinasasaya tayo ng mga political satire at binibigyan tayo nito ng espasyo upang komportable nating mapag-usapan ang mga seryosong bagay, tulad ng mga isyu sa ating gobyerno. Higit sa lahat, layunin din ng mga komedyang ito ang kilitiin ang ating mga isip para tayo’y makapagmuni-muni ukol sa sensitibong mga bagay sa lipunan.

Ang kasaysayan ng political comedy

Nagsimula ang political satire o ang paggawa ng komedya na ang tema ay tungkol sa pulitika noong mgs sinaunang panahon sa bansang Rome at Greece kung saan ang mga aktor sa entablado ay kinatatakutan ng mga elitista at ng mga pulitiko dahil sa malaki nilang impluwensya sa pagsisimula ng diskurso sa mga taong nanonood sa kanila. Ayon sa pag-aaral na ginawa ng Oxford Handbook of Political Communication, itong mga pagpuna sa pulitika ay nagsimula sa teatro at isinulat ng mga magagaling na mga manunulat ng mga dula gaya ni Aristopanes na taga-Greece.

Lumaganap naman ang mga programa sa telebisyon na may temang political comedy noong 90s. Kilala ang mga programa nina David Letterman at Jay Leno sa Amerika noon na laging sinisimulan ang kanilang palabas sa pamamagitan ng isang monologue ukol sa pulitika. Pero ginagawa nila ang mga itong katawa-tawa.

Ito rin ang taon kung saan sinimulang ipalabas ang mga nakakatawang mga programang pulitikal ang tema, gaya ng The Daily Show with Jon Stewart, The Colbert Report with Stephen Colbert, at ang laging umpisa ng tv show na Saturday Night Live. Dito sa Pilipinas noon namang 1980s, mayroon tayong mga programang gaya ng Sic O’Clock News at Mongolian Barbeque na may mga temang pampulitikal pero katatawanan din. Dahil sa ebolusyon ng media, may websites gaya ng Funny or Die at Onion News na mapagkukuhanan din ng political satires at parodies.

Paano nakatutulong ang ganitong uri ng komedya?

Aking naging mga panauhin ang mga bihasa sa pagpapatawa na sina Jon Santos, at mag-amang sina Frida at Willie Nepomuceno sa aking programang Pamilya Talk. Puro sila mahilig mag-impersonate o gumaya ng mga sikat na personalidad. Si Frida, na mas bata sa industriya kumpara sa kanyang ama at kay Jon, ay isa ring mang-aawit. Kasama sa kanyang impersonation sa entablado at TV, ang mga lokal na personalidad sa pulitika tulad nina Janet Napoles at Grace Poe, pati na rin ang mga kontrobersyal na personalidad na sina Mocha Uson at Kris Aquino.

Nang tanungin kung paano niya natuklasan na may talento siya sa panggagaya, sinabi ni Frida na nagpapadala siya noon ng cassette recordings ng kanyang skits sa kanyang mga kamag-anak sa ibang bansa ng mga drama sa radyo na kanyang pinakikinggan. Bilang anak ng tinaguriang “master impersonator ng Pilipinas,” nagkaroon siya ng mga exposure sa entablado. Noong una, nanonood lang siya, hanggang sa kalaunan ay naging bahagi na siya ng mga show ng kanyang ama.

Para kay Frida, ang kanyang mga pagpapanggap ay ang kanyang paraan ng pagpapasaya sa mga tao. "Gusto ko pong mapasaya ang mga tao dahil sa dami ng kaguluhan, gusto kong maalis yung stress nila sa buhay. Gusto ko ng ganung vibe at direction. Hinahalo ko yung musical, hosting, and acting, yun ang aking style," ang sabi ni Frida.  

Si Frida Nepomuceno bilang Sen. Grace Poe
Screenshot from guesting on ANC Headstart

Alam ni Frida na hindi niya kapantay ang kanyang ama sa pagiging political satirist dahil mas matagal na itong ginagawa ni Willie Nep. “Mahirap kasi maraming expectations ang mga tao.  Akala nila ganoon ka rin katulad ng tatay mo. Papatunayan mo pa lang ang sarili mo, na-judge ka na. Sasabihin nilang ‘kaya lang naman nagganyan yan kasi tatay nya si Willie Nep,’” ang paliwanag ni Frida. Ang kanyang payo sa entertainers ay magtrabaho nang husto, pero maging bukas din sa mga puna ng mga kritiko kung paano mo pagbubutihin ang iyong kakayahan.

Willie Nep: Ang political satire at pagiging aktibista

“Ganyan ako nagsimula sa industriya, nagsimula ako sa kalsada,” sabi ng beteranong political satirist na si Willie Nep tungkol sa kanyang pagsisimula sa panggagaya ng mga tao. Siya ay bahagi ng UP-student council at iba pang political at youth organizations.

Willie Nepomuceno bilang dating Pangulo Ferdinand Marcos
Screenshot from Nepflix

Bata pa lang, mahilig na siya sa mga adbokasiya na may koneksyon sa kanyang organisasyon. Naging parte siya ng mga demonstrasyon na ginawa sa UP Diliman Arts and Science Steps at sa Plaza Miranda. Bahagi rin siya ng Speaker’s Bureau kung saan napansin niyang ang kanyang mga kasamahan ay magagaling magbigay ng malinaw at maalab na mga talumpati na nagpapaigting ng damdamin ng mga tao.

“Naisip ko, mas magagaling sa akin itong mga ito kaya kailangang ibahin ko ang approach ko. Imbis na magspeech ako, nagpresent ako ng short skits. Natuwa ang mga tao, nagtawanan sila. Naging madalas na akong maimbitahan sa mga demonstrations. Dinala ko yung pag-aaklas at pagbabatikos, at inilabas ko sa mga impressions, doing political satires,” ang sabi ni Willie.

Ang kanya raw kontribusyon sa lipunan ay ang pagiging social commentator. Nakilala si Willie Nep na ginagaya ang mga sikat at higanteng personalidad sa pulitika tulad nina dating Pangulo Ferdinand Marcos, Noynoy Aquino, Fidel V. Ramos, at Joseph Estrada.

Jon Santos: Pagsabay sa agos ng buhay

Ang sikreto sa pagpili ng mga karakter na gagayahin, ayon kay Jon Santos, ay isang taong nagkaroon ng malawak at mayamang karanasan sa buhay. Tulad ng kanyang mentor na si Willie Nep, nagkaroon din si Jon ng karanasan sa paggawa ng political sketches sa mga lansangan. Ngunit mas namulat siya sa teatro.

Bagama’t kilala si Jon bilang isang kahanga-hangang impersonator ng mga Pilipinong Presidente, mas kilala siya sa kanyang panggagaya sa mga sikat na babaeng personalidad tulad nina Vilma Santos, Armida Siguion-Reyna, Cory Aquino, Miriam Defensor-Santiago, Korina Sanchez, at marami pang iba.  Itinuturing niyang idol at mentor sina Willie Nep at ang isa pang sikat na impersonator at entertainer na si Tessie Tomas.

Jon Santos bilang Ate Vilma Santos-Recto
Photo from ABS-CBN

“Hanggang sa suot na damit, laging sinisiguro nina Tessie at Willie na maganda at authentic sa personalidad na kanilang ginagaya ang kanilang mga gamit at kasuotan, tulad ng magagandang terno at suits na gawa ng sikat ding designers,” sabi ni Jon.  Kaya importante kay Jon na ipakita ang kanyang mga ginagayang kababaihan na maganda at elegante.

Dahil hindi pa rin ganoon kadali ang gumawa ng live shows ngayong pandemya, ang payo ni Jon ay matutong sumabay sa agos ng buhay at akapin ang mga pagbabago.  “There’s a challenge in maintaining your integrity, the stories that you say;  no more no less. I also noticed that now, you must learn how to balance your audience because unlike before that we’re somewhat united, the country is so divided now in so many ways,” pagbabahagi ni Jon.

Para kina Willie Nep, Jon at Frida, importante man sa kanila na makapagbigay ng ligaya at mapatawa ang mga manonood, mas importanteng may matututunan din ang mga ito. 

“Masaya akong kapag may sinabi akong joke o punchline sa isang show, sabay-sabay silang mapapa-isip na ‘ay, oo nga ano? Tama yun.’  Sa aking palagay, ang pagpanood ng political satires at comedy ay magandang paraan upang magkaroon tayo ng kaalaman tungkol sa pulitika, lalo na ang mga kabataan dahil sila ang mas madalas na mawalan ng gana sa mga isyu kung ito ay masyadong mahirap intindihin. Ito rin ay isang magandang daan upang makilala natin ang mga ‘bago’ at ‘lumang’ mga pulitiko. Gamitin natin itong kakaiba at nakakaaliw na sining na ito upang tumawa, tumigil, at pag-isipan nang mabuti ang mga mensahe nilang hatid,” paalala ni Jon.

 

------

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 6:00-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTwitter,  and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected].

COMEDY

FRIDA NEPOMUCENO

JON SANTOS

WILLIE NEPOMUCENO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with