Hunk actor, hindi maingat sa pakikipaglandian sa lalaki!
Manhid na ang buong katawan ng isang kilalang male personality sa pagdududa ng marami tungkol sa kanyang kasarian. Kape niya na lang ‘yun sa umaga. Napakaordinaryo na lang.
Maraming naniniwala at marami rin namang hindi. At sa kabila ng mga pagdududang ‘yun ay marami pa ring nag-iilusyon sa kanyang kaguwapuhan.
Maraming kalalakihang pinagdududahang naging karelasyon ng guwapong hunk actor. May artista, may flight steward, may doktor, may player ar marami pang iba.
Kuwento ng aming source, “Naku, may mga grupong hindi puwedeng paniwalain ng hunk actor na ‘yun na straight siya! Kahit tawasin pa niya ang mga taong ‘yun, e, matindi ang paniniwala nila na lalaki rin ang hanap ng guwapong hunk actor!
“Paano naman, e, hindi rin siya maingat! Nakipagkyondian siya sa isang flight steward, tama ba naman kasing kapag nagpapalitan sila ng mga love notes, e, mismong stationery niyang with complete name pa niya ang pinagsusulatan niya?
“Nakakaloka siya! Puwede naman siyang bumili ng card sa bookstore, pero bakit personalized note pad pa niya ang ginagamit niya? E, di buking siya, di ba naman?
“Hindi siya maingat, wala siyang pakialam, samantalang napakaraming interesadong malaman kung ano talaga ang gender niya? Ganu’n ba ang nagtatago, mismong siya pa ang nagpapahamak sa sarili niya?” napapataas ng kilay na kuwento ng aming impormante.
Naugnay rin sa kanya ang isang magaling na male singer. Todo-tanggi silang pareho, halos matanggal na sa leeg ang kanilang ulo sa pagdedenay, pero kumusta naman kasi?
Sabi uli ng aming source, “Isa pa ‘yun! Wala raw silang relasyon, samantalang palaging nasa condo unit niya ang male singer. Ano ‘yun, may pinag-aaralan silang kanta nang walang mikropono?
“Ang pinakamatindi, e, hindi pa ibang tao ang naka-Julie Andrews sa kanila! Mismong ang girlfriend kuning-kuning ng hunk actor ang nakakita sa kanila, kaya cry me a river ang girl!
“Hindi naman krimen kung ganu’n nga siya. Kasalanan ba ‘yun, e, wala naman siyang tinatapakang kahit sino sa sexual preference na meron siya? Ingat lang, kailangan niyang nag-iingat, para hindi siya nabubukelya!
“Tripleng ingat dahil nakatutok sa kanya ang attention ng publiko. Ano ba talaga siya? Siyokoy o sirena?” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Ibang-iba kay Vilma... Nora, walang pakialam sa hitsura
Napanood namin ang political ad ng Bicol Saro Party List. Si Nora Aunor, ang pinakasikat na anak ng Bicol, ang nag-eendorso sa party list.
Hindi nakalusot sa COMELEC ang grupong pamumunuan dapat ni Nora, malabo raw ang mga layunin ng grupo, kaya siya na ang kinuhang tagapag-endorso ng Bicol Saro Party List.
Sa riles ng tren kinunan ang mga eksena, sa riles ng tren na napakalaki ng partisipasyon sa kuwento ng tagumpay ng Superstar, Norang-Nora ang pagkakabalangkas ng political ad.
Marami kaming nakapansin na malaki na ang itinanda ni Nora Aunor. Hindi kinayang itago ng mga camera at ilaw ang pagkakaedad ng aktres.
Mataba rin si Nora, kitang-kita ang parang pamamaga ng kanyang mukha, puro close-up pa naman ang kuha sa kanya.
Naisip lang namin. Kung si Congresswoman Vilma Santos ang kinuhang tagapag-endorso ay hindi papayag ang Star For All Seasons na hindi ito gagamitan ng ilaw na nakapagtatago ng totoong edad ng kinukunan.
Sa kanyang mga vlogs na napapanood namin ay parang lumalangoy sa mga ilaw ang magaling na aktres. Alam ni Ate Vi ang teknolohiya na nakapagtatago sa tunay na edad ng subject. Hindi gaanong napapansin ang kanyang mga pileges at eyebags dahil sa mahiwagang ilaw na ginagamit nito.
Hindi naman kasi ganu’n si Nora Aunor. Wala siyang pakialam sa magiging itsura niya sa harap ng mga camera. Hindi siya hihingi sa produksiyon ng mahiwagang kinoflo para maitago kahit paano ang kanyang pagkakaedad.
At ano nga naman ang problema kung mukhang matanda na si Nora? E, totoo namang 69 na siya sa darating na Mayo? Ang mahalaga ay meron siyang pinagkatandaan.
Tumanda siyang Superstar. Tumanda siyang nangarap at nagtagumpay. Hindi na mahalaga ang edad. Ang importante ay ang magagandang naganap sa pinagdaanan nating buhay.
Sabi nga ng isang nainterbyu naming nobelista nu’ng nagsisimula pa lang kaming manunulat, “Alam mo, maraming bituin sa langit. May malaki, may maliit, may makinang, may hindi nagbibigay ng liwanag.
“Pero may isang bituin na katangi-tangi. Siya ang pinagkukunan ng liwanag ng mga katabi niyang bituin. Siya ang pinakamakinang, hindi siya mawawalan ng kinang hanggang sa kanyang pagtanda.
“Mananatili siyang pinakamakinang na bituin—si Nora Aunor.”
- Latest