Idiniin ng Castillo, Laman, Tan, Pantaleon, and San Jose law office na kumakatawan kay Enchong Dee sa kasong isinampa laban sa kanya ni Dumper Partylist Representative Claudine Bautista-Lim na walang katotohanan ang ilang balitang mabilis na kumalat sa social media na nagtatago si Enchong para hindi maaresto.
Sinabi nilang kusang sumuko si Enchong sa NBI, naglagak ng piyansa at handang harapin upang ipagtanggol ang sarili. May mga balita na naglagak si Enchong ng piyansang P48K para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nakangiti naman si Enchong at tila hindi nga nababahala sa nakita naming video na kuha ng isang private citizen habang siya ay papalabas sa NBI. “Ilan oras lang naman tumagal si Enchong, habang inaayos pa sa korte ang kanyang release. Hindi naman siya nakakulong. Naroroon lang siya sa loob ng office ng NBI,” sabi ng isa sa mga nakakita sa kanya matapos na sumuko at makalaya noon ding Lunes ng gabi.
Ang hihintayin nating kasunod ay ang hearing ng kaso sa korte sa Davao Occidental. Hindi pa natin alam kung hihilingin ng mga abogado ni Enchong na mailipat iyon sa isang korte dito sa Maynila.
Ate Vi, tinu-turn over na ang trabaho kay Sen. Ralph
Kumpirmadong unopposed si Sen. Ralph Recto sa kanyang kandidatura sa Lipa bilang congressman at kapalit ng kanyang misis na si Star for All Seasons at Rep. Vilma Santos na mamahinga muna sa pulitika.
“Sa akin madali lang ang turnover, dahil noon pa isinasalin ko na kay Ralph lahat ng mga naiwan ko pang trabaho, importante iyon para magkaroon ng continuity. Hindi kagaya ko, noong pumasok ako sa Congress, iyon din ang first time na nagkaroon ng sariling congressional district ang Lipa. Kaya sabi ko nga rin, on record I am the first congresswoman of Lipa,” pagbabalik tanaw ni Ate Vi.
“Ngayon nakakahinga na ako sa pressure. Nagagawa ko nang mag-blog. Katuwaan lang naman ang blog na iyan, pero safe. I am considering going back on television. Pero siguro hindi na gaya noong dati, hindi ko na rin kaya iyon. At saka kailangan kong maghintay ng ilang panahon pa dahil malaki ang pagbabago sa television basta nagsimula na tayo sa digital broadcast,” aniya.
Mawawala na nga lahat ng channel ngayon, mapapalitan na ng digital at aniya walang nakakaalam kung anong plano ng mga network.
“Iyong movies, mas mauuna ko sigurong balikan. Sinasabi nga nila mas magluluwag pa ang alert level. Hindi naman mawawala ang COVID pero may gamot na. Parang trangkaso na lang iyan. Bukas na ang mga sinehan, kaya puwede nang mag-survive ang pelikula. Iyong mga malalaking producer, they will come back. Sayang wala na si Atty. Laxa eh. Kung buhay pa iyon, I’m sure naghahanda na iyan for the shoot,” pag-alala pa ni Ate Vi.
Nalungkot din siyang hindi nakasali ang partylist ni Nora Aunor.
“Nalungkot din ako. It seems ready na ang kumare ko, pero nagkulang ng support ang kanyang partylist,” sabi pa ni Ate Vi na ramdam ang himig ng lungkot sa sinapit na kapalaran ng kanyang kumare na naging karibal noong kanilang kapanahunan.
Aktor, hindi natulungan ng workshops
Ini-launch agad siya bilang big star, noong panahong ang network ay wala pang malakas na leading man. Todo build-up sa kanya, kaya nakapagtataka kung bakit pagkatapos ng kanyang initial assignment na maganda naman ang naging resulta, tila pinabayaan na lang siya ng network at isinasaksak na lang na guest sa kung anu-anong shows. Ang naririnig na lang namin ay “mahina siyang umarte.”
Sus, eh di ba ang dami namang nagtuturong umarte sa workshops? Mayroon ngang kahit na sa loob ng sarili mong kotse ay maiwo-workshop ka eh. Bakit nga ba hindi siya pinaturuan nang husto? Noon, isang director at isang actor ang handang bigyan siya ng workshop. O nagawa ba ng workshop at tapos ay wala na?