Finally, babaeng personalidad plantsado na ang problema sa anak

Walang kasingligaya ngayon ang isang babaeng personalidad na may-ari ng korona ng kasikatan nu’ng kasagsagan ng kanyang popularidad. Wala na siyang mahihiling pa.

Ang pagkakataong napakatagal niyang ipinagdasal at hinihintay ay dumating na nang walang pilitan, kusang naganap, ito na ang kakumpletuhan ng kanyang buhay.

Kuwento ng aming source na malapit sa female personality, “Napakaligaya niya ngayon. Wala man siyang milyun-milyon ngayon, e, mas matindi pa du’n ang meron siya ngayon.

“Tama ang palagi niyang sinasabi, darating din ang panahon na magiging maayos ang personal na buhay niya,” unang sabi ng aming kausap.

Magandang magdala ng problema ang female personality, hindi niya pinahihirapan ang kanyang sarili basta alam niyang nasa tama siya, wala siyang pakialam anuman ang sabihin ng iba laban sa kanya.

Patuloy ng aming source, “’Yun ang reason kung bakit hanggang ngayon, e, nand’yan pa rin siya. Wala siyang pera? Sanay na siya sa ganu’ng buhay. Daang milyon ang hinawakan niya dati, pero hindi mo siya kariringgan ng pagsisisi, napakarami niya naman kasing natulungan.

“Maraming nakinabang sa pera niya, hindi lang siya madaldal, pero napakarami niyang natulungan. At marami ring nagsamantala sa pera niya!

“Masyado kasi siyang matiwala sa kapwa niya. Hindi siya mapagduda. Maniniwala na lang siya sa bulong ng iba kapag may nangyari na.

“Paano mo palulungkutin ang isang taong tulad niya na hindi iniiyakan ang mga nawala sa kanya? Napakasimple ng buhay niya. Basta meron siyang kaunting hawak na pera at kinakain sa araw-araw, okey na okey na siya!” sabi pa ng aming impormante.

Napakaligaya niya ngayon dahil pagkatapos nang maraming taon ng paghihintay niya ay natulayan na rin ang problema nilang mag-iina. At walang sinumang pumilit sa pagkikita-kita nila.

Huling sabi ng aming kausap, “Isang tao lang naman ang dahilan ng hindi nila pagkakasundo, ‘yun ang gustong mawala ng mga anak niya. Pero siguro nga, e, naisip din ng mga anak niya na meron na silang sariling pamilya at ang taong ‘yun lang ang nakakasama ng mommy nila.

“Ibang-iba ang ngiti niya ngayon, hindi ‘yun mabibili nang kahit magkano! Super-happy na siya ngayon dahil anytime, puwede na uli silang magkita-kita na walang humaharang sa kanila,” masayang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alden, marami nang napatapos sa pag-aaral

Dakila ang puso ni Alden Richards. Wala tayong kamalay-malay pero marami na pala siyang napagtapos sa pag-aaral. Tahimik lang niyang ginawa ang pagtulong.

May isa siyang napagtapos na nagtatrabaho na ngayon, nakatutulong na ito sa kanyang pamilya, pitong taon na ang nakararaan nang sagutin ni Alden ang matrikula niya sa high school at kolehiyo.

Marami siyang bagong iskolar ngayon. Kasama na sa hanay ng kanyang mga pinag-aaral ang isang estu­d­yanteng walang mga kamay at paa nang ipanganak.

Nanghihinayang si Alden dahil meron mang kakulangan sa katawan ang estudyante ay matalino naman pero hindi kayang pag-aralin ng kanyang pamilyang walang-wala sa buhay.

Nangingilid ang luhang mensahe ni Alden, “Napakaha­laga sa akin ng education. Alam ko ang ganyang sitwasyon. Magka-college ako nu’ng mamatay ang mommy ko. Hindi naman kami mayaman.

“Masakit sa loob ko ang makakita ng batang hindi nag-aaral dahil lang sa walang pang-tuition. Hanggang kakayanin ko, gagawa ako ng paraan para makatulong sa mga estudyanteng nangangarap makatapos ng pag-aaral,” komento ng Pambansang Bae.

Ang lahat ng kikitain sa kanyang concert sa January 30 ay magiging pondo ng kanyang AR Foundation. Mas palalalimin pa nila ang balon ng pampinansiyal na pangangailangan ng mga iskolar niya.

Napakamabuting adhikain, edukasyon ang kanyang ipinaglalaban, ang tanging ka­yamanang iiwan ng mga magulang sa kanilang anak na hindi mananakaw ninuman.

Uulitin namin, ang taong tumutulong sa mga dukha ay nagpapautang sa Diyos, hindi lang ang taong iniaangat niya ang buhay ang naliligayahan kundi ang Diyos na pinanggalingan din ng kayang mga biyaya.

Kaya naman hindi apektado ng kahit anong kahirapan ngayong pandemya si Alden Richards. Trabaho ang lumalapit sa kanya at hindi niya kailangang maghanap.

Napakasuwerteng anak ng Diyos ni Alden. Ang kanyang kaguwapuhan ay pinapalakpakan. Ang kanyang pusong matulungin ay dinadakila ng mahihirap. Siya ang pinakapopular na aktor ng kanyang panahon.

Ganu’n kung gumanti ang langit. Ang mga kakulangan ay Siya ang magpupuno. ‘Yun ang mga pautang ni Alden Richards sa mga dukha na ibinabalik sa kanya nang maraming beses ng kapalaran.

Ang mapagkumbabang puso niya ang mas nag-aangat pa kay Alden Richards. Patuloy siyang itinataas kahit pa ang mundong ginagalawan niya ay kapos na kapos dahil sa pandemya.                                                                                                                                                            

Show comments